Pagdating sa family planning, dapat din umanong makibahagi ang mga lalaki upang mapanatili ang mas mababang fertility rate ng bansa, ayon sa Commission on Population and Development (POPCOM).

Ang apela ay ginawa kasabay ng pagdiriwang ng International Men’s Day sa Nobyembre 19. Pinuna ng POPCOM ang datos na mababa pa rin ang bilang ng mga lalaking Pinoy na gumagamit ng modernong contraceptive gaya ng non-scalpel vasectomy o NSV.

BASAHIN: Mister, nagpa-vasectomy dahil sa pagmamahal kay misis

Sinabi ni POPCOM Officer in Charge-Executive Director Lolito Tacardon, na makakatulong na mapanatiling mababa ang antas ng fertility sa mga kababaihan kung mas aktibong pakikilahok ang mga lalaki sa family planning.

Ayon sa POPCOM, bumaba ang fertility level mula sa average na tatlong sanggol bawat babae (2.7), na may edad 15 hanggang 49 noong 2017; at dalawa sa bawat nanay sa taong ito ng 2022 (1.9).

Dahil dito, maiiwasan umano ang hindi planado at delikadong pagbubuntis na maaaring magresulta sa mga pagkamatay na may kaugnayan sa panganganak.

“From a male standpoint, resorting to family planning does not take away anything biologically. Absolutely none of the methods—neither condoms nor NSV (non-scalpel vasectomy)—affect virility, libido and sexual drive,” saad ni Tacardon.

“NSV, for instance, is a simple outpatient operation that involves the cutting and sealing of a small tube—the vas deferens—which will impede the flow of semen. It is, not in any way, a form of castration,” dagdag pa niya.

Ayon sa 2020 Field Health Services Information System (FHSIS) ng Department of Health, humigit-kumulang 400,000 Pilipino lamang ang kasalukuyang gumagamit ng condom.

Bagaman mas mataas ito mula sa 270,000 noong 2016, ayon sa POPCOM.

Sinabi rin ng POPCOM na ang sterilization ng lalaki sa pamamagitan ng NSV ay nananatiling hindi tinatangkilik ng karamihan dahil nasa 15,000 lamang ang sumailalim sa NSV noong 2020.

Mas mababa raw ito sa 1% ng lahat ng gumagamit ng family planning na nasa 8.1 milyon.

 

“This was even lower than in 2016 at about 16,000, out of a universe of 6.1 million users then,” giit pa ng ahensya.

Batay sa nakaraang National Demographic and Health Survey, sinabi rin ng POPCOM na halos 40% ng mga modernong contraceptive users ay kakaunti lang ang gumagamit ng condom, mula 1.7% noong 2017 hanggang 2% ngayong 2022.

Para sa NSV, nanatili ang bilang sa 0.1% sa nakalipas na limang taon.

Sinang-ayunan naman ito ng dating lider ng ahensya na si Dr. Juan Antonio Perez III, na base sa ulat ng DOH, halos 400 NSVs lang ang ginawa noong 2021.

Dahil dito, idiniin ni Tacardon na dapat makibahagi ang mga lalaking Pilipino sa adbokasiyang mapangalagaan ang mga ina, kalusugan ng bata at tamang nutrisyon.

“The pandemic has taught us that having the number, timing and spacing of children that we can adequately support is a way of making our families more resilient to any emergency situations; hence, the importance of family planning,” sambit niya.

“It, however, entails a shared decision between couples or partners, as we encourage more involvement from fathers and husbands,” giit pa niya. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News