Nahuli-cam ang "salarin" sa likod ng mga nawawalang sampay na mga salawal sa isang bahay sa Laguna. Ang salarin, ginagawa raw 'kumot' ng mga tinatangay na salawal. Sino ang salarin? Alamin.

Sa isang video ng GMA News Feed, ikinuwento ng isa sa mga nakatira sa bahay na si Jethro Orillaza, na tiningnan nila ang CCTV footage nang mapansin nila na kulang na ang kanilang sinampay.

Nakita nila sa video na ilang beses raw nagpabalik-balik sa sampayan ang "salarin" para kumuha ng mga salawal.

Kinagat-kagat pa raw ng salarin ang tinangay nitong mga salawal bago iniuwi ang mga kasuotan at ginawang kumot .

Pero hindi tao, kung hindi ang alaga nilang asong si Gluta ang salarin.

Sinabi ni Jethro na dinadala pala ni Gluta sa kaniyang kulungan ang mga nawalang salawal para gawing sapin.

“Our puppy played with my wife’s underwear like a child enjoying a pinata. We then discovered her hiding it back to her sleeping area,” saad niya.

Samantala, ang aso namang si Sugar marunong daw libangin ang sarili sa panood ng video online. 

Ayon sa kaniyang amo na si Maddison Kelly, kaya raw nitong i-play ang video nang mag-isa at ang kaniyang bini-binge watch ay mga video ng mga kabayo.

Dagdag pa ni Maddison, nagsimula raw ang hilig ng aso sa video nang minsang manood sila ng series na Game of Thrones.

“We realized it was whenever Ned Stark got on his horse, she would just bark at the screen. We kept rewinding to same scene and she just kept barking. When I was at my grandparents’ house I put horse videos on TV and she was captivated by them,” aniya pa.

Nakumpirma rin ni Maddison ang pagkahilig ni Sugar sa mga kabayo nang minsang dalhin niya ito sa isang farm.

Ngayon, tuwing kailangang magtrabaho ng kaniyang amo, iniaabot lang niya ang tablet kay Sugar at ito na ang bahalang mag-play ng paborito niyang video.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News