Madalas tumindig ang balahibo ng isang babae nang malaman niya na tila may elementong nagpaparamdam sa kaniya. Hinala niya, isa itong kapre na may gusto sa kaniya mula noong bata pa lang siya.

Sa kuwento ni JP Soriano sa programang “Dapat Alam Mo!”, ibinahagi ni Lorna na nararamdam niya na tila may nakamasid sa kaniya at may naririnig siyang sumisitsit.

Bata pa lang daw siya ay may nakikita na siyang itim na elemento sa labas ng kanilang bahay.

Hanggang sa isang araw, "Paglabas ko po ng bahay kasi po may clear pong bintana doon, noong paglabas ko po ng bahay para kumuha ng tubig at uminom, nagulat ako may something na maitim doon sa bintana pagdungaw ko... tapos ‘yun may naninigarilyo,” ani Lorna.

Para malaman kung anong nilalang ang gumagambala kay Lorna, bumisita sa kaniyang lugar ang paranormal researcher na si Ed Caluag.

Nang suriin ni Ed ang paligid ng bahay ni Lorna, napansin niya agad ang umano'y mga anino. Mayroon din umanong nadinig si Ed na tumatawag.

Ayon kay Ed, galing sa ibang lugar ang kakaibang nilalang at sumunod kay Lorna.

"Sumama raw siya sa iyo. Galing siya sa lugar ng kaibigan mo na lumang bahay tapos may puno sa likuran. Naalala mo, may napuntahan kang ganun?" tanong ni Ed kay Lorna.

Sabi ni Ed, hindi nananakit ang kapre na isa umanong territorial, at may pagkakataon na sadyang makikita sila ng mga tao.

Pero lumilitaw na may kakaiba pang nilalang na nasa bahay ni Lorna. Alamin ang buong kuwento sa video ng "Dapat Alam Mo!" -- FRJ, GMA Integrated News