Naging inspirasyon ng isang pet lover na si Grace Ann Pigar ang pangungulila niya sa kaniyang pumanaw na aso para makapagtayo ng kaniyang negosyo na clay art na kaugnay din sa pagmamahal sa mga pet.

Sa programang “Pera Paraan”, ibinahagi ni Grace na mahilig na talaga siya sa mga hayop noong bata pa lang siya. 

Noong tatlong-taong-gulang pa lang siya, may alaga raw siyang aspin pero kinailangan nilang ipamigay dahil sa problemang pinansyal.

Nagmarka sa isipan ni Grace ang lungkot ng naturang karanasan na mawalay sa alaga.

At nitong kasagsagan ng CONID-19 pandemic, nagsara ang pinapasokan restaurant ni Grace.

Para hindi mangulila nang magkaroon ng lockdown dahil sa pandemya, mula sa kaunti niyang naipon, bumili siya ng aso na crossbreed ng Maltese at Chow-chow na pinangalanan niyang "Premium."

“Kasi noong nagka-pandemic po medyo na-stress ako parang kailangan ko talaga ng dog na pagbubuhusan ko ng atensyon kaya na-attach ako sa masyado sa kanya,” saad ni Grace.

Ngunit makalipas lang ng tatlong buwan, tinamaan ng parvovirus si Premium, at namatay. Dahil dito, naisip ni Grace na gumawa ng memorabilia ni Premium para maalala niya pa rin daw ito araw-araw.

Saktong may napanood daw siyang clay art tutorial videos kung saan ang disenyo ay mukha ng tao. Dito na raw siya nagkaroon ng ideya na gumawa ng clay art ni Premium.

Pinag-aaralan niya ang paggawa nito at nang matapos ang 3D clay art ng kaniyang aso, pinost niya ito sa TikTok.

Laking gulat niya nang may nagkainteres na magpagawa sa kanya.

Namuhunan siya ng P5,000, na ipinambili niya ng polymer clay at iba pang kagamitan.

Keychain at refrigerator magnets ang kanyang mga unang niyang ginawa. Sa loob lang ng dalawang linggo, nabawi na niya agad ang inilabas na puhunan.

Paano nga ba ginagawa ni Grace ang kanyang patok na 3D clay art? At ano naman kaya ang reaksyon ng kaniyang mga customers? Panoorin ang video ng Pera Paraan. -- FRJ, GMA Integrated News