Mula sa "zero" na unang sagot sa fast money round, nakabawi at nakuha ni Kiko Matos ang apat na top answer para makamit ang higit 200 points at maka-jackpot ang kaniyang "Team Eruption" sa "Family Feud Philippines."

Sa naturang episode kamakailan ng "Family Feud Philippines," tinalo sa elimination round ng Team Eruption na pinapangunahan ni Eric "Eruption" Tai, kasama ang mga MMA fighter na sina Kiko, Mammoth at Kenjhons, ang team ng mga babaeng piloto.

Sina Eruption at Kiko naman ang napili ng team na sumalang sa fast money round. Kapag nakakuha sila ng kabuuang 200 points, madadagdagan ng P100,000 ang kanilang premyo, bukod pa sa P100,000 na kanilang napalunan sa elimination round.

Unang sumagot sa fast money round si Eruption pero nakakuha lang siya ng total points na 67. Ibig sabihin, kailangan ni Kiko na makuha ng 133 points para makaabot sa 200 points.

Pero sa unang tanong na "magkano ang budget mo sa pamasahe sa isang araw," nabokya si Kiko o "zero" sa sagot niyang P400.

Sa natitirang apat na tanong, nakuha ni Kiko ang mga top answer na may mga puntos na 39, 32, 44, at 31, o kabuang 146, para umabot sa 213 ang total points ng kaniyang team at manalo ng dagdag na P100,000. Panoorin ang naturang episode. --FRJ, GMA Integrated News