Nabigla at nagtaka ang mga bisitang nagluluksa sa isang libing sa United Kingdom nang biglang tumayo ang apat na babae at nagsayaw sa saliw ng rock music sa harap ng altar. Nangyari ito habang hinihintay nila sa chapel ang labi ng isang babae na pumanaw dahil sa sakit na cancer.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing isang babae muna ang tumayo at biglang sumayaw nang tumugtog ang rock music.

Sinundan ito ng tatlo pang babae, at inalis nila ang mga suot na blazer o coat na nakapatong sa kanilang black dress.

Nagsama-sama ang apat na babae sa likod ng chapel at nagsayaw papunta sa harapan ng altar.

Hindi naiwasan ng ilang bisita at nakikidalamhati na magtaka sa dance show ng apat na babae. Pero mayroon din namang humiyaw at pumalakpak.

Kinalaunan, napag-alaman na bahagi ng burol o libing ang naturang mala- flash mob na eksena na handog sa namayapang babae.

Ang mismong pumanaw na babae raw kasi ang nagplano na magkaroon ng sayawan sa kaniyang libing.

Ayon sa grupong Flaming Feathers, ang best friend ng namayapang si Sandie Wood, ang lumapit sa kanila para planuhin ang naturang dance number.

"If you know her, she was a bit of a rebel. So it fit her personality... Her best friend, Sam booked us but this was about six months before she passed. So Sandie basically planned her own funeral," paliwanag ni Claire Phipps, manager ng grupo.

Namatay si Sandie dahil sa tongue cancer. Isa siya sa mga pasyenteng biktima ng infected blood scandal noong 1977. Nabigyan si Sandie at ilan pang pasyente ng kontaminadong dugo na may  hepatitis-C.

Nilinaw naman ng mga sumayaw na hindi nila pakay na ma-offend ang mga nagdadalamhating kaanak at kaibigan ng yumao.

Pero hindi rin daw nila kayang tanggihan ang huling hiling ng isang tao na nais umanong mapasaya ang kaniyang mga mahal sa buhay hanggang sa huling pagkakataon. 

Ayon din sa mga kaibigan, nanatiling masayahin si Sandie hanggang sa kaniyang mga huling araw.--FRJ, GMA Integrated News