Inamin ni Dina Bonnevie na si Alex Gonzaga ang pinatungkulan niya noon tungkol sa isang baguhang aktres na kaniyang napagsabihan dahil sa pagiging late at hindi kabisado ang mga linya sa set. Pero paglilinaw din niya, wala na siyang sama ng loob ngayon kay Alex.

"Yes it was Alex Gonzaga. But let me explain that it happened 12 years ago. We were doing a teleserye then, and it did not come naman without reason," tapatang pag-amin ni Dina sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles.

"We were working together, kaya lang kasi it didn't only happen once. It happened once, twice, thrice, so hindi lang naman ako. There were other co-workers who were getting irked about 'yung working habit niya, or the way she was working with us," paglalahad ni Dina.

Dahil dito, napag-usapan na si Dina ang gagawing "spokesperson" ng kaniyang co-stars.

"Nobody had strength or the audacity to talk to her. So, okay, ako ang magiging spokesperson," anang beteranang aktres.

Pinabulaanan naman ni Dina na sinigawan niya si Alex nang "mula ulo hanggang paa."

Gayunman, patuloy umano ang pagiging late ni Alex sa ginagawa nila noong series.

"That morning, late na naman siya. Nagpipigil na naman kami noon. Parang 'Haaa!' umuusok na lahat sila. 'I'm gonna walk out of the set if you don't tell her off,' 'You better tell her off. Di hindi ko na kaya,'" saad daw kay Dina ng kanilang co-stars.

Umalis daw si Alex noong lunch break at bumalik na basa ang buhok at walang makeup. Kaya kailangan muling maghintay ng kaniyang co-stars ng tatlong oras bago makapag-taping.

Hindi rin umano makaiyak si Alex dahil tila wala siya sa kaniyang karakter. Dito na siya pinagsabihan ni Dina at inilahad ang kanilang mga saloobin.

"Alex, you know why you cannot cry, is because you're not in touch with your emotions. You're very indifferent to your co-workers. You know what Alex I want to talk to you. Kasi, you know, we don't like what you're doing that you're always late," balik-tanaw ng aktres.

"Eh marami akong ganap eh," tugon daw ni Alex.

"Sabi ko 'Wait a minute, wait a minute. I'm trying to talk to you nicely," sagot ni Dina.

"Eh hindi, kasi hindi niyo nakikita 'yung side ko," depensa ni Alex, na tila ikinainis ni Dina.

"Sabi ko, 'Hindi pa pinapanganak ang babastos sa akin Alex. Please, kinakausap kita nang maayos. If you want to stay long in this business you cannot last kung ganiyan ang attitude mo, na palagi kang late, dito ka pa maliligo sa set, and you cannot even memorize your lines, hindi ka makaiyak," tapatang payo ni Dina kay Alex.

Depensa ni Dina, sinasabi niya ito hindi para pahiyain si Alex, kundi para makita itong magtagumpay sa showbiz.

"Anyway, long and short of it sabi ko, 'I'm not talking to you like this because I want to put you down. I want you to succeed in your career, I want to you be great."

"'Hindi naman ako galing sa bahay, galing ako sa trabaho kasi marami akong booking. Alam ng mommy ko 'yan. Gusto mo kausapin mo pa 'yung mommy ko,'" pagtatanggol ni Alex sa sarili.

"Kahit kausapin ko rin 'yung mommy mo. The thing is, you made a commitment to come to this taping, you have to come early. It didn't only happen once. Twice, ang dami nang beses, nakapapagod na rin," tugon ni Dina.

"Sabi ko, kung gusto mong magtagal sa industriya hindi ganiyan ang ugali Alex, I hope you understand."

Sa kabila ng insidente, snabi ni Dina na maayos na natapos ang pag-uusap nila ni Alex.

Ayon kay Dina, nagkataon lang na muling inusisa ang tungkol sa naging issue nila ni Alex sa isang press conference noong 2018.

Katunayan, nakapag-guest pa si Dina sa isang programa noon ni Alex.

"She was very graciosa to me, she was very nice. In fact after nag-usap kami sa taping, okay na siya, nag-last day taping pa kami. Masaya kami. She even hosted it. Nagbibiruan kami. Nothing. Hindi ako galit sa kaniya," sabi pa ni Dina.

Inihayag naman ni Tito Boy na bukas ang kaniyang programa kay Alex upang mailahad ang kaniyang panig.--FRJ, GMA Integrated News