Sa pagsagot ni Pokwang sa isang netizen, inilahad din ng Kapuso actress ang dahilan ng paghihiwalay nila ng kaniyang ex-partner na si Lee O’Brian. Pero paglilinaw ni Pokwang, hindi siya ang iniwan.

Sa isang post ni Pokwang sa social media, may nagkomento na: “Talakira kasi kaya iniwanan,” na may kasamang laughing emojis.

Sinagot ng Kapuso host-actress at sinabing, “Nagising lang ako sa katotohanan na anim na taon [ko na] pala [siya] palamunin at limang taon walang child support!”

Dagdag ni Pokwang sa netizen, "Baka madamay ka sa demandahan namin."

Paglilinaw pa ni Pokwang, hindi siya iniwan ni Lee, at sa halip ay pinaalis daw niya ito sa kaniyang bahay.

“[FYI] hindi ako iniwan bwahahhaaahaaa tanungin mo [siya] bakit ko [siya] pinalayas!!!!! Tanungin mo now na!”

Tanong ni Pokwang, may gusto raw ba kay Lee ang netizen o kaibigan ito ng bagong babae ng kaniyang dating partner.

“Tanggol ka type mo sya? Di ka papatulan [niyan] kung waley ka pakinabang!!! [Or] kaibigan mo yung babaeng involve?”

Sabi ni Pokwang, “Pakisabi congrats nagtagumpay [siya] na wasakin ang puso ng anak namin na [nangarap] na mabuo kaming muli!”

Nitong nakaraang taon nang mapaulat ang paghihiwalay nina Pokwang at Lee.

Mayroon silang isang anak na si Malia.

Una rito, sinabi ni Pokwang na walang third-party at naging maayos ang kanilang hiwalayan.

Kamakailan lang, sinabi ni Pokwang na may bagong babae na kinahuhumalingan umano si Lee.—FRJ, GMA Integrated News