Adultery o concubinage ang maaaring isampang reklamo ng isang kinaliwa o pinagtaksilan ng asawang ikinasal na. Pero papaano naman pagdating sa usapan ng magkasintahan o magka-live in pa lang?

Sa segment na Kapuso sa Batas ng "Unang Hirit," sinabi ni Atty. Gaby Concepcion, na iba ang usapan sa batas pagdating sa magkarelasyon na hindi pa kasal, at sa usapin ng mag-asawa o kasal na.

Kung magkasintahan pa lang at nangaliwa o nagloko na ang "jowa," payo ni Atty. Gaby, dapat magpasalamat ang naging "biktima" dahil kahit papaano ay nalaman na niya ang tunay na ugali nito habang maaga pa.

"[Pero] iba naman ang usapan kung ang panloloko ay parang scam pala, na pinerahan lang kayo ng jowa ninyo. 'Yang panloloko na 'yan ay maaaring kaso ng swindling o estafa," paliwanag ng abogada.

Paliwanag pa ni Atty. Gaby, kung ang paraan ng panloloko ay nakipagrelasyon ang isang lalaki sa babaeng menor de edad na nasa pagitan ng 16 at 18 ang edad, at pinangakuan niya ito ng kung ano-ano, at tapos biglang iniwan, may posibleng kaso umano ito ng kriminal na kung tawagin ay "simple seduction."

Babala rin ng abogado sa mga manloloko at magpapaibig sa mga menor de edad na wala pang 16-anyos, pasok ito sa Republic Act 11648 o statutory rape kung sisipingan nito ang dalagita.

May kaakibat itong parusa na kulong na reclusion perpetua kahit pa pumayag, hindi pinilit o hindi tinakot ang babaeng below 16 years old na makipagtalik.

Samantala, kung magka-live in pa lang ang magkarelasyon at nagloko ang ka-partner, sinabi ni Atty. Gaby na maaaring silipin ang batas tungkol sa hatian ng kanilang naipundar sa ilalim ng Article 147 at Article 148 ng Family Code.

Sa Article 147 na walang ibang problema sa pagsasama ng magkarelasyon, maaaring hatiin equally ang naipundar nila sa panahon ng kanilang pagsasama kahit pa "walang ambag ang isa."

Pero sa Article 148, nakapaloob dito na hindi talaga maaaring ikasal ang isa dahil nakasal na siya sa iba. Dito, ang hatian ng kanilang naipundar at magiging depende sa aktuwal na naging kontribusyon nila.

Kung mayroon naman silang mga anak, may karapatan silang maghabol ng sustento o susporta para sa bata kahit hindi sila kasal. Panoorin ang buong talakayan tungkol sa naturang usapin.--FRJ, GMA Integrated News