Natatawang inamin ni Rufa Mae Quinto na nahihirapan at ninenerbiyos siya kapag nakikipag-usap sa wikang Ingles kapag nasa Amerika. Kaya kapag may nagtanong sa kaniya kung artista siya sa Pilipinas, nagpapa-Google na lang daw siya.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, kinumusta ng King of Talk ang buhay-Amerika ni Rufa kung saan naninirahan na ang kaniyang mister na si Trevor Magallanes at anak nilang si Athena.

"Ok naman malamig, winter. Pero busy ka dun dahil mabilis ang oras dun. Siguro dahil busy ka rin, ikaw lahat," sabi ng comedianne.

"Masaya kasi mas normal ang life ko dun pero siyempre miss ko dito dahil marami akong kausap, kakuwentuhan. Maraming nakakaintindi sa akin dito dahil Tagalog nga di ba," natatawang paliwanag niya.

Sabi ni Rufa, hirap siyang makipag-Inglesan sa Amerika, at lumalabas ang mga puting buhok niya sa nerbiyos dahil mag-i-Ingles na naman siya.

Tinanong ni Tita Boy kung papaano kapag may English speaking na mga tao na nagtatanong kung totoong movie star siya sa Pilipina at magtatanong kung sino talaga siya.

"Exacly who are you in the Philippines, what do you say?" tanong ni Tito Boy kay Rufa.

"Oh yah, I'm an actress there. And the... wala hindi ko na masyadong... pakita ko na lang yung Google," natatawang sagot ni Rufa.

"This is me. 'Yan ganyan," patuloy pa niya na kunwaring ipinapakita ang sarili niya sa Google.

Dahil mahirap umanong magpaliwanag, natatawa pang sinabi ni Rufa, "Sasabihin ko na lang, 'Yah! [I'm an actress] You Google me. This is my Instagram.

Nagsimulang manirahan si Rufa sa Amerika kasama ang kaniyang asawa at anak nang magkaroon ng pandemic.

Umuuwi siya ng Pilipinas kapag may mga proyektong gagawin.--FRJ, GMA Integrated News