Mahigit tatlong taon mula nang umalis ng Pilipinas para lumipat ng tirahan sa Canada kasama ang pamilya, balik-bansa at "balik"-Unang Hirit si Rhea Santos.

Sa episode ng "UH" nitong Lunes, ipinakilala kay Rhea at una niyang kinamayan ang bagong barkada ng programa na si Matteo Guidicelli.
"Nice to meet you pi in person," masayang bati ni Matteo kay Rhea. "Welcome back home."

Tugon naman ni Rhea, "I'm a fan of you and your lovely wife." Sabay bati niya ng, "Hi, Sarah (Geronimo)."

"Sobrang gandang addition sa Unang Hirit 'di ba?," dagdag pa ni Rhea sa bagong UH barkada na si Matteo.

Taong 2019 nang magpasya si Rhea at kaniyang mister na lumipat sila sa Canada kasama ang kanilang mga anak.

Pagdating sa Canada, nag-aral muli si Rhea ng broadcast at online journalism, at ngayon ay bahagi na ng isang Filipino newscast doon.

Bagaman nagkaroon ng COVID-19 pandemic, sinabi ni Rhea na naging maayos naman ang adjustment nila ng kanilang pamilya sa Canada.

Permanent resident na ang status nila ngayon doon.

Sa pag-uwi niya pansamantala sa Pilipinas, sinabi ni Rhea na talagang nasa isip niya na bumisit sa Unang Hirit, kasama ang kaniyang mga anak.

Gayunman, inihayag din ng Kapuso broadcast journalist na nasa ospital ngayon ang kaniyang ama. Nakatakda raw silang bumalik sa Canada sa Biyernes pero pinag-iisipan pa niya kung mag-e-extend siya.

Nagpapasalamat naman si Rhea sa kaniyang pinapasukan sa Canada na suportado siya sa kaniyang pag-uwi sa Pilipinas.--FRJ, GMA Integrated News