Kumalas na rin umano sa TAPE Incorporated, na producer ng "Eat Bulaga," ang iba pang host ng show na sina Jose Manalo, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros na kilala bilang "JoWaPao."

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, sinabing sumulat at pirmado ng mga dabarkads ang kanilang pagbibitiw sa Tape Inc.

Kasama rito sina Maine Mendoza, Ryan Agoncillo, Allan K, at Ryza Mae Dizon.

"We are trying to verify this. We've made some calls to people involved and waiting for confirmation," ani Tito Boy tungkol sa naturang sulat na kumakalat na rin sa social media.

"Ang nabasa namin ay sila ay nagbitiw at nagre-resign sa TAPE Inc.," dagdag ng King of Talk.

Samantala, sa ulat ng PEP.ph nitong Huwebes, sinabi ni Tito Sotto, na bukod sa kanilang mga host, kumalas na rin umano sa Tape Inc ang production staff ng Eat Bulaga.

Nitong Miyerkules, biglang inanunsyo nina Tito, Vic Sotto at Joey de Leon ang pagkalas nila sa Tape Inc.—FRJ, GMA Integrated News