Viral ang isang Golden Retriever na tila isang “part-time taho vendor,” dahil sinasabayan nito ng pag-alulong ang pagsigaw ng taho vendor ng “Taho!”

Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood ang video ng asong si Harris, na sinasabayan ng kaniyang pag-alulong ang magtataho na nagtatawag ng mga customer.

Nang ulitin ng tindero ang pagsigaw ng “Taho!” muling umalulong si Harris, ngunit iba naman ang tono.

Sinabi ng kaniyang fur mom na isang taon at dalawang buwang gulang na si Harris, ngunit dati na nitong ugali ang pag-alulong sa tuwing dumadaan ang taho vendor.

Good vibes naman ang hatid ni Harris sa netizens at sa kuyang magtataho. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News