Pinuna ni Senador Risa Hontiveros na wala umanong birth records sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang mga sinasabing magulang ng kontrobersiyal na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado tungkol sa ilegal umanong operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations sa Bamban, sinabi ng isang opisyal ng PSA na may posibilidad na hindi talaga totoo ang mga nakasaad na pangalan na nakalagay na magulang ni Guo sa kaniyang late-registration birth certificate.

Ayon kay Hontiveros, nakadeklara sa late-registration birth certificate ng alkalde na "Filipino" ang kaniyang mga magulang.

Kasamang iniimbestigahan si Guo kung sangkot siya sa ilegal na operasyon ng POGO sa kaniyang bayan, o kung isa siyang espiya ng China.

Sa mga nakaraang pahayag, itinanggi ng alkalde ang mga paratang laban sa kaniya. Ipinaliwanag din niya na anak siya ng kaniyang ama sa kanilang katulong kaya nahirapan siyang ilahad ang kaniyang pagkatao.

BASAHIN: Mayor Alice Guo: 'Ako po’y isang love child ng mahal kong ama sa aming kasambahay

Lumitaw din sa pagdinig na mayroon pang tatlong kapatid si Gou, na noong una ay sinabi ng alkalde na hindi niya kaagad nalaman. Pero may mga impormasyon na bumibiyahe silang magkakasama at may mga negosyo rin.

Napansin din na magkaiba ang araw ng idineklarang kasal ng mga magulang ng dalawa pang anak sa kani-kanilang birth certificate.

Ayon pa kay Hontiveros, wala ring record sa PSA ng marriage certificate ng mga magulang ng alkalde.

"Maitatanong talaga, hindi po kaya (ang mga magulang ni Guo) don't even exist? Itong dalawang taong ito, na according to the documentary evidence, have three children, but according to you mayor, only have one child, apparently do not even exist," tanong ni Hontiveros.

Ayon kay PSA legal service director Eliezer Ambatali, may "high possibility" na hindi nag-e-exist ang mga magulang ng alkalde, at maaari din umanong hindi nairehistro ang kanilang birth certificates.

"May posibilidad po na hindi nakapag-parehistro lang po ang mga magulang ni mayor. Puwedeng mangyari 'yun… Pero sa ngayon, maaari din at mataas ang posibilidad, na hindi existing ang mga tao,” sabi ni Ambatali.

Ipinaliwanag naman ni Guo na hindi siya ang gumawa ng birth certificates ng kaniyang mga kapatid kaya hindi niya alam ang mga problema sa nakatala sa mga ito.

"Your honor, 'yan po ang truth. Hindi namin pinag-uusapan sa bahay. Medyo sensitive 'yung topic kaya hindi talaga namin pinag-uusapan," sagot ng alkalde sa tanong ni Sen. Raffy Tulfo kung bakit hindi niya tinatanong sa kaniyang ama ang tungkol sa kanilang pamilya.

Pinuna rin sa pagdinig na taliwas sa pahayag ni Guo na katulong ang kaniyang ina at iniwan siya noong bata pa, bakit lumalabas umano na kasal ito sa kaniyang ama, at mayroon pa siyang mga kapatid.

Kasabay nito, sinabi Guo na single siya at walang karelasyon matapos sabihin ni Sen. Jinggoy Estrada na may natanggap siyang impormasyon na kasintahan niya ang nagpapatakbo sa isang POGO operation.— mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News