Inihain sa Kamara de Representantes ang isang panukalang batas para maprotektahan ang mga inosenteng driver na nakukulong kahit walang kasalanan sa nangyaring aksidente.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, layunin ng “Anti-Kamote Driver" bill, na maisalba mula sa pagkakadetine ang isang motorista na walang kasalanan pero nasangkot sa sakuna dahil sa kapabayaan ng ibang motorista.
Ang “Kamote driver” ay patungkol sa mga motorista na hindi maingat sa paggamit ng kalsada.
Sa nasabing ulat, ipinakita ang video sa nangyaring aksidente sa Skyway noong nakaraang Marso na isang rider na walang suot na helmet ang nag-counterflow at bumangga sa nakasalubong na sasakyan.
Nasawi ang rider habang nadetine ang driver ng nabanggang sasakyan at pinakawalan kalaunan nang hindi nagsampa ng reklamo ang pamilya ng nasawing rider.
Sa panukala na inihain ni Davao Oriental Representative Cheeno Almario, nais niyang mailigtas sa pagkakadetine ang isang driver kung may maipapakitang katibayan na gaya ng CCTV o dashcam footage na wala siyang kasalanan sa nangyaring sakuna.
“As somebody who has experienced that, sobrang unfair din, no? Na tayo, nag-iingat tayo, and yet people out there, parang balewala lang sa kanila yung safety nila tsaka ng ibang tao,” ayon kay Almario.
Magkakaiba naman ang pananaw ng ilang motorista tungkol sa panukala.
“Mas maigi kung ganun, kung mapapawalang sala yung mga nadadamay lang,” sabi ng isang motorcycle rider.
“Hindi naman lahat ng nakabangga eh may kasalanan eh,” pahayag ng isa pa.
Hindi naman binanggit sa panukala kung sino ang magpapasya kung dapat o hindi dapat idetine ang driver. Kasama umano ito sa gagawing pagtalakay sa panukala.
Bagaman sinusuportahan ng 1-Rider partylist ang layunin ng panukala, inihayag ng kinatawan nito na may kapangyarihan ang hudikatura na amyendahan ang kasalukuyang sistema patungkol dito.
”Ang opinion ko po dapat yung Supreme Court po. Kasi sila po yung may rules of procedure […] Wala pong power yung legislative to impose upon them kung ano po yung magiging procedure nila,” paliwanag ni Rep. Ramon Gutierrez.
Naniniwala naman ang Automobile Association of the Philippines (AAP) na nasa korte ang pasya kung dapat idetine o hindi ang nasasangkot sa aksidente.
“Do we really need a new law? The police already have the power and discretion. Any new law will not neutralize the ‘SOP’ of passing the issue to the fiscal and courts,” ayon kay Robby Consunji ng AAP.
Idinagdag pa ng grupo na may kapangyarihan ang pulis na siyasatin ang mga sangkot sa aksidente. —FRJ, GMA Integrated News