Totoong estudyante at hindi bahagi ng sindikato ang nagtitinda ng sampaguita na sinipa ng isang security guard sa labas ng isang shopping mall, ayon ng Mandaluyong City police nitong Biyernes.
"'Yung bata po ay totoo pong estudyante," sabi ni Mandaluyong City Police chief Police Colonel Mary Grace Madayag sa mga mamamahayag.
Sampaguita girl na tinaboy ng gwardya sa isang mall, lehitimong estudyante at hindi myembro ng sindikato ayon sa Mandaluyong Police @dzbb @gmanews pic.twitter.com/GvOXDBqL6s
— Mark Makalalad (@MMakalalad) January 17, 2025
Ayon kay Madayag, 18-anyos na ang estudyanteng vendor at iskolar sa isang pribadong institusyon.
Nagbebenta umano ito ng sampaguita para mabayaran ang kaniyang mga pangangailangan sa pag-aaral.
Kinumpirma rin ng barangay na giniba kamakailan ang bahay ng pamilya ng sampaguita vendor, dagdag pa ni Madayag.
"In fact nga po, siya po ay iskolar ng isang private institution at matalinong bata. At nagsusumikap lamang po na madagdagan 'yung mga pangangailangan nila sa kanilang eskuwela," anang opisyal.
"Kaka-demolish lang daw po ng bahay nila at 'yun po ay pinatunayan din ng barangay kung saan po nakausap din po namin 'yung barangay kung saan sila nakatira," dagdag ni Madayag.
Sa viral video, nakita ang security guard na nakikipagtalo sa tindera na nakasuot ng school uniform sa labas ng harapan ng SM Megamall.
Dahin daanan ng mga tao kung saan nakaupo ang vendor, pinapaalis siya ng sekyu. Doon na nagsimula ang komosyon ng dalawa at tumindi pa nang sirain ng sekyu ang kaniyang mga sampaguita.
Hinampas ng tindera ang security guard gamit ang nasirang sampaguita at gumanti naman ang sekyu ng pagsipa.
Dahil sa insidente, "sinipa" ng SM Megamall sa trabaho ang security guard.
Sinabi ng Philippine National Police (PNP) Civil Security Group (CSG) na magsasagawa sila ng administratibong imbestigasyon upang tingnan ang mga posibleng pananagutan ng security guard at ng kaniyang security agency kaugnay sa isyu.
Nagpahayag ang Department of Social Welfare and Development ng kahandaan na magbigay ng psychosocial na suporta at iba pang tulong sa dalaga.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News