Laking gulat ng isang driver nang madatnang puno ng gasgas ang ipinarada niyang kotse sa isang eskinita sa Madhya Pradesh, India. Ang suspek, isa palang aso na gumanti matapos niya itong masagi.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood sa isang CCTV na kampante pang nag-park ang driver ng kaniyang sasakyan.
Paggising niya kinabukasan, namataan niya na lamang ang kotse na may sangkaterbang gasgas sa harapang bahagi nito.
Sinuri ng lalaki ang CCTV, at nakitang dalawang aso pala ang may pakana nito.
Ngunit mas nagulat pa ang may-ari nang kaniyang mapagtanto na ang isa sa mga aso sa CCTV ay ang asong aksidente niyang nasagi habang pauwi siya.
Nasa maayos naman umanong kondisyon ang aso at nakatakbo pa ito palayo.
Maaaring nasundan ng aso ang kotse at nagsama ng isa pang aso para gantihan ang driver.
Umabot sa halagang $173 o mahigit P10,000 ang pinsala sa kotse dahil sa mga gasgas na nilikha ng mga aso.
Agad namang nag-viral ang video sa social media. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News