Naging kontrobersiyal ang pagkapanalo noon ni Aleck Bovick bilang Best Actress sa isang kilalang award-giving body para sa pelikula niyang "Tampisaw." Bukod sa 17-anyos pa lang noon si Aleck, iyon din ang una niyang pelikula, at kabilang sa mga kalaban niya sa naturang award si Ara Mina.
Bagaman nakikila ngayon si Aleck sa kaniyang mga kontrabida role sa mga teleserye, unang nakilala ang aktres bilang isang sexy star.
Sa isang episode ng cooking talk show na "Lutong Bahay" na host si Mikee Quintos, ikinuwento ni Aleck na bagaman suportado ng kaniyang ina ang kaniyang pag-aartista, hindi naman iyon naging madali sa kaniyang ama dahil sa 17-anyos lang siya at sexy ang tema ng mga ginagawa niyang pelikula.
"Si dad ang muntikang pang magdemanda," ani Aleck. "17 lang ang anak ko,'" sambit umano ng kaniyang ama.
Pero dahil gusto raw talaga ni Aleck ang pag-aartista, kinausap niya ang kaniyang ama hanggang sa pumayag na ito.
Sa kaniyang unang pelikula na "Tampasiw," nanalo na agad siya ng Best Actress award, at isa sa si Ara Mina sa kaniyang mga nakalaban.
Tinanong ni Mikee si Aleck kung totoo ba na nagkaroon sila ng alitan ni Ara dahil sa naturang pagkapanalo niya.
"Totoo bang nagkaalitan kayo ni Ara Mina matapos niya raw sabihin na hindi niyo deserve yung best actress award niyo?" tanong ni Mikee kay Aleck.
"Uy! grabe naman 'yan," natatawang tugon ni Aleck.
Pero ayon kay Aleck, hindi iyon totoo.
"May nasabi lang siya pero hindi direct... na parang sana si ano na lang ang nanalo, ganun," paliwanag niya.
Sa murang edad ng kaniyang pagpapa-sexy, sinabi ni Aleck na ang kagustuhan niyang abutin ang kaniyang pangarap ang nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob na gawin ang mga daring roles.
Nang bumalik siya sa showbiz matapos mawala ng ilang taon, aminado si Aleck na naging conscious siya dahil bumigat na ang kaniyang timbang.
Inihayag din niya na may namba-bash sa kaniya dahil sa kaniyang katawan ngayon na hindi katulad noong kaniyang kabataan.
Ayon sa aktres, pinapatulan at sinisermonan niya ang mga basher.
"Huwag kayong ano... bawal ang body shaming dito. Baka makita ko 'yang profile mo, hitsura mo diyan baka may masabi rin ako [na hindi maganda]," kuwento ni Aleck sa mga hirit niya sa bashers.
Lumalakas naman daw ang kaniyang morale kapag sinusuportahan at ipinagtatanggol siya ng iba niyang followers.
Tanggap na kaya ngayon ni Aleck ang kaniyang pangangatawan?
"Mahal ko naman yung katawan ko saka yung sarili ko," saad niya. "Pero minsan kailangan din natin para sa health."
"Kasi kailangan maintindihan mo, ma-accept mo na eto ka. Hindi mo puwedeng sabihin na payat ako kahit hindi ako payat. Hindi mo puwedeng sabihin na sobrang yaman ko, kahit hindi ako mayaman. So kailangan i-accept mo na eto ako so paano ako mag-i-improve," paliwanag niya.
Pinapaligiran daw niya ang kaniyang sarili ng mga kaibigan at tamang tao na puwedeng magbigay sa kaniya ng payo at makapagpalakas ng loob.
Pero kung kunwaring gagawa muli siya ng sexy role, sinong aktor kaya ang gusto niyang makapareha, at sino ang ayaw na niyang makatrabahong muli dahil may "attitude?" Alamin sa video ang sagot ng aktres. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News