Bago pumanaw, tila inirereto na ng isang ginang sa kaniyang maiiwang mister ang isa nilang kaibigang babae sa Malasiqui, Pangasinan. At sa darating na Marso, ikakasal na ang dalawa.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing pumanaw noong 2022 ang misis ni Reynald Galverio, dahil sa sakit na cancer sa dugo.

Pero noong nabubuhay pa raw ang kaniyang misis, sinasabi nito sa kaniya na ligawan ang kanilang kaibigan na si Rizalyn Ranole kapag naging biyudo na siya.

"'Kapag nabiyudo ka, 'yan na lang [si Rizalyn] ang ligawan mo kasi masipag,' sabi niya akin," kuwento ni Reynald.

"Ako namang 'tong galit na galit kasi wala naman akong iniisip na ganun," dagdag niya.

Naging kaibigan nilang mag-asawa si Rizalyn nang tulungan nila ito noong nagbabalak na magtrabaho sa ibang bansa sa pinapasukang travel agency ni Reynald noong 2018.

Hanggang binawian na nga ng buhay ang misis ni Reynald dahil sa sakit nitong cancer.

Nang maging biyudo, naramdaman daw ni Reynald na may kulang na sa kaniyang buhay kaya sinubukan niyang sundin ang mungkahi ng kaniyang pumanaw na misis at niligawan si Rizalyn.

At hindi naman nabigo si Reynald.

"Mabait siyang tao, mapagmahal saka responsable. May isang salita," sabi ni Rizalyn tungkol sa katangian ni Reynald na nagustuhan niya.

Ang relasyon nina Reynald at Rizalyn, may basbas din ng tatlo nilang anak ng kaniyang pumanaw na misis.

Nagpunta rin sila sa sementeryo kasama si Rizalyn para magpaalam.

Hangad ng anak ni Reynald na si Kyra na maging masaya ang pagsasama ng kaniyang ama at ni Rizalyn.

Umaasa siyang aalagaan ni Rizalyn ang kaniyang ama gaya ng pag-aalaga na ginawa ng kanilang namayapang ina.

At sa darating na Marso, nakatakda nang ikasal sina Reynald at Rizalyn.

Maligayang bati sa inyong dalawa. -- FRJ, GMA Integrated News