Nagpanggap na pasahero ang isang OFW na umuwi sa bansa mula sa Japan para sorpresahin ang ama niyang jeepney driver. Pero sa halip, ang anak ang nagulat at nangamba nang mapansin na tila hindi na siya kilala ng kaniyang ama kahit wala na siyang takip sa mukha.

Sa "For You Page" ng GMA Public Affairs, napag-alaman na limang taon nang hindi umuuwi ng Pilipinas ang OFW na nasa Japan na si Lizette Eclarino.

Pagdating niya sa bansa, nauna na niyang sinorpresa ang ilang kaanak, kabilang ang kaniyang ina.

Matapos nito, kinuntsaba niya ang kaniyang pamilya at naisipang magkunwaring pasahero para naman sorpresahin ang namamasada niyang ama na si Tatay Boying.

Sumakay si Lizette sa likod ng jeep na may sombrero, sun glass at face mask upang hindi makilala ng kaniyang tatay.

Para maging mas kapani-paniwala, tumulong na rin ang kaniyang ina sa sorpresa sa kaniyang ama.

Nagpahiwatig si Lizette sa ama nang mag-abot siya ng "Lapad" o Japanese money bilang kaniyang pambayad.

"Nagtaka na rin po siya noon na may sulat-Hapon daw 'yung pera, pero hindi niya po raw ini-expect na ako 'yon," sabi ni Lizette.

Pagkababa ng ibang pasahero, isa-isa nang tinatanggal ni Lizette ang takip niya sa mukha.

Ngunit tila hindi pa rin siya lubos na nakilala ng ama bagaman binanggit nito inakala niya na anak niya ang kaniyang sakay.

"Akala ko 'yung anak ko na eh. Parehas na parehas kayo," sabi sa kaniya ng ama, na ikinagulat ni Lizette na hindi pa rin napagtanto ng ama na siya na anak na nga ang kasama nito.

"Nagtatanggal na po ako isa-isa ng covers sa mukha. Tapos nagtaka rin po ako, 'Wala naman akong cover 'yung mukha ko, bakit parang hindi pa rin ako nakikilala ni papa ko,'" pahayag ni Lizette.

Sabi pa sa kaniya ni Tatay Boying, "Tinitingnan kitang mabuti eh. Kung ano ko ito, kako hindi ko makilala."

Dahil dito, nagdesisyon na si Eclarino na bumaba ng jeep at nilapitan ang ama na nasa manibela para magpakilala na nang lubusan.

Matapos na titigan ni Tatay Boying ang babaeng lumapit sa kaniya, doon na niya napagtanto na ang anak na OFW pala talaga ang kaniyang sakay. At bumuhos na ang kaniyang luha.

"Nandito ka na," sabi ni Tatay Boying na mahigpit na niyakap ang anak habang umiiyak sa tuwa.

"Sobrang saya po, kasi talagang ang laking tulong ng Japan para po sa amin, para rin po sa relasyon ng family ko at sa akin po. Mas nakakatulong po 'yung pag-Japan ko kasi napakita ko po 'yung love ko," sabi ni Lizette. -- FRJ, GMA Integrated News