Nahuli-cam ang ginawang paghablot ng isang lalaking menor de edad sa cellphone ng isang pasahero na nasa loob ng isang sasakyan sa Taguig.

Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, makikita sa dashcam video ang suspek na nakatambay sa gilid ng tulay sa C-5 sa Taguig nitong Sabado ng hapon.

Nang may makitang target sa pagbagal ng daloy ng trapiko, tinakbo nito ang puntiryang sasakyan at mabilis na hinablot ang cellphone ng isang nakasakay sa passenger side ng isang closed van, at tumakas.

Matapos ang insidente, nakita ang suspek sa CCTV camera sa East Rembo sa Taguig na may kasamang isang lalaki na mas mataas sa kaniya.

Nakita rin sa hiwalay na CCTV camera na tumawid ang dalawa patungo sa direksyon ng Pasig at Pateros.

Ayon sa taga-barangay ng East Rembo, hindi nila kilala ang dalawang suspek. Gayunman, inamin nilang talamak ang insidente ng snatching sa lugar.

Sinabi ni Loiue Marcon, OIC, Monitoring team, Brgy. East Rembo, karamihan umano sa mga nahuhuling snatcher ay hindi galing sa kanilang lugar.

Sa kabila ng nangyari kahapon, wala umanong nagtungo sa barangay para magpa-blotter. Pero inire-report nila ang mga insidente sa pulisya.

Nagsasagawa na umano ng imbestigasyon ang Pasig at Taguig police sa naturang pangyayari. -- FRJ, GMA Integrated News