Hindi napigilan ni Sam Milby ang sarili na maging emosyonal nang kamustahin siya sa "Fast Talk with Boy Abunda," matapos ang hiwalayan nila ng dating kasintahan na si Catriona Gray.

Sa naturang episode ng programa ni Tito Boy nitong Lunes, inilarawan ni Sam ang kaniyang sitwasyon na "it's been really rough" matapos na maghiwalay sila ni Catriona.

Ayon kay Sam, "no breakup is easy."

"It wasn't only na mag-boyfriend, girlfriend kami. We were engaged," saad ng aktor. "And to have that not push through, it's been really rough, honestly."

"When that happened in the last few weeks, it's been, yeah, it's been really rough. And I think it's better to just be honest about it," sabi pa ni Sam na sandaling natigilan hanggang sa tumulo na ang kaniyang luha.

Sinabi ni Sam na hindi niya inasahan na magiging ganoon siyang ka-emosyonal. Iniiwasan din umano niyang pag-usapan pa ang nangyaring hiwalayan nila ng dating kasintahan.

Sinabi ni Sam na mali ang mga nag-iisip na naging madali lang sa kaniya ang paghihiwalay nila ni Catriona.

Ayaw na raw sanang pag-usapan ni Sam ang mga detalye sa nangyari sa kanila ni Catriona. Bagaman kailangan daw niyang nilinaw ang ilang maling impormasyon na lumalabas tulad ng pagkakaroon ng third party sa kanilang relasyon.

"I have so much love and respect on both sides, but it hasn't been easy at all," sabi ng binata.

Kinumpirma ni Sam nitong nakaraang Pebrero ang breakup nila ni Catriona, at sinabi niyang okay naman nila ng dalaga.

Lumabas sa publiko ang relasyon nina Sam at Catriona noong 2020, at naging engaged sila noong 2023.

Mapapanood si Sam sa romantic comedy film na "Everything About My Wife, kasama sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo. —FRJ, GMA Integrated News