Inihayag ni Bianca Gonzalez na marami sa netizens ang tumpak sa kanilang mga hula hinggil sa mga Kapuso at Kapamilya na papasok sa bahay ni "Kuya" para sa "Pinoy Big Brother Celebrity Edition Collab."
“Ang masasabi ko na lang, nabasa ko ang hula ng mga netizens online, parehong Kapuso at Kapamilya. Madaming tama. In fairness, maraming tamang hula pero may mga mali rin,” sabi ni Bianca sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes.
Ang ilang nasa studio, binanggit ang mga pangalan nina Andrea Brillantes at Andrea Torres.
“Pasabog ‘yon kung kasama [sila],” tugon ni Bianca, na tikom sa mga pagkakakilanlan ng mga sasaling Sparkle at Star Magic artists.
Ayon pa kay Bianca, magkakaroon din ng bagong format ang upcoming season ng reality show.
“Mero’n kaming kakaibang format na pasabog si Kuya na ‘di pa namin nagagawa dati. So abangan niyo ‘yan,” sabi niya.
Si Bianca ang isa sa hosts, kasama ang Sparkle stars na sina Gabbi Garcia at Mavy Legaspi, at Kapamilya stars na sina Robi Domingo, Enchong Dee, Kim Chiu, Melai Cantiveros, at Alexa Ilacad.
Mapanonood ang kauna-unahang "Pinoy Big Brother Celebrity Edition Collab" sa GMA Network sa Marso 9.
Ang naturang collab ng GMA at ABS ay bahagi ng ika-20 anibersaryo ng programa ngayong 2025. --FRJ, GMA Integrated News
