Naantala ang paglipad ng isang eroplano sa Chile nang humarang sa daraanan nito sa paliparan ang isang lalaki na na-late pala sa kaniyang flight.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang isang video ng pagtayo ng lalaki na isa umanong pasahero sa gitna ng tarmac.
Kalaunan, isang staff ng airport ang lumapit na may kasunod nang security patrol para puntahan ang lalaki.
Sinamahan palabas ng runway ang lalaki, at agad siyang nai-turnover sa pulisya.
Base sa mga report, hinarang ng lalaki ang eroplano matapos siyang hindi umabot sa kaniyang flight.
Patungo sana ang 29-anyos na pasahero sa Concepcion, Chile sakay ng Latam Airlines, ngunit late siyang dumating sa airport.
Nalusutan ng lalaki ang security kaya nagawa niyang nakapasok sa runway.
Nagmamaniobra na ang mga piloto nang humarang ang lalaki.
Isang minutong tumayo ang lalaki sa harap ng eroplano kaya 10 minutong naantala ang flight.
Mahaharap sa kaso ang lalaki dahil sa insidente.
Samantala sa isa namang United Airlines flight mula Austin papuntang Los Angeles, USA, isang lalaki ang paulit-ulit na sinipa ang isang upuan.
Sinabi ng mga pasahero na tinalunan pa ng lalaki ang upuan hanggang sa tuluyan itong masira.
Naganap ito noong nasa ere na ang eroplano.
Dinakip ng pulisya ang lalaki paglapag nila sa Los Angeles.
Hindi naman idinetalye kung ano ang dahilan ng lalaki sa pagsira niya sa upuan. Gayunman, banned na siya sa mga flight ng naturang kompanya.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
