Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, sinabi ni Maria Isabel Lopez kung ano ang ginawa niya noon na kaniyang pinagsisihan kinalaunan bilang artista.

Sa naturang panayam, tinanong ni Tito Boy si Lopez kung pinagsisihan ba niya ang paggawa niya noon ng mga sexy at daring movie.

"Wala akong regrets," ayon kay Lopez na hinirang na Miss Universe Philippines noong 1982.

Pero pinagsisihan daw niya na masyado siyang naging focus noon sa laki ng talent fee o pera, at hindi niya nabigyan ng pansin ang mga proyekto at direktor nito na maliit lang ang pondo.

"Ang only regret ko lang siguro is I focused more on the money I make, on the talent fee, and not on like who's the director," pahayag niya.

"So there was a time na I turned down a Lino Brocka film dahil lang ang budget is so little, so 'yun siguro isa sa mga regrets ko," dagdag pa niya.

Pumanaw si Lino noong 1991 na kilala sa mga pelikulang umani ng mga parangal gaya ng “Tinimbang Ka Ngunit Kulang” (1974), “Maynila: Sa Kuko ng Liwanag” (1975), “Insiang” (1976), “Jaguar” (1979), “Bona” (1980), “Macho Dancer” (1989), “Orapronobis” (1989), at iba pa.

Noong 1997, hinirang si Lino na National Artist for Film and Broadcast Arts.

Sa naturang panayam, sinabi rin ni Lopez na naayos na ang gusot nang hindi siya maimbitahan sa 50th anniversary ng Binibining Pilipinas noong 2013.

Plano umano niyang dumalo sa nasabing pageant sa susunod na taon.

Kabilang sa mga kontrobersiyal na pelikulang ginawa noon Lopez ang "Isla" (1985), "Daughters of Eve, o Silip"(1985), at "Kinatay" (2009), na umani siya ng Best Supporting Actress award mula sa Gawad Tanglaw at Golden Screen Awards. — FRJ , GMA Integrated News