Habang naglalakad sa kalsada at kasabay ang isang kaibigan, bigla na lang natumba at nawalan ng malay ang isang babae. May kinalaman nga ba ang kaniyang pagiging sobrang stress at pagod sa nangyari sa kaniya? Alamin.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita si Sherlyn Ariones na naglalakad sa kalsada kasabay ang isa niyang kaibigan sa Barangay San Antonio, nang walang anu-ano, bigla na lang siyang natumba at nawalan ng malay. Mabuti na lang na hindi tumama ang ulo niya sa semento.
BASAHIN: Kolehiyala, inatake ng anxiety dahil nga ba sa sobrang stress sa pag-aaral?
Humingi ng tulong ang kaniyang kasama sa mga lalaki sa lugar at binuhat nila si Sherlyn.
Ayon kay Sherlyn, hindi iyon ang unang beses na nangyari sa kaniya na bigla na lang siyang nawawalan ng malay.
Nangyayari daw iyon sa tuwing nakararamdam siya ng sobrang pagod at stress, at matinding emosyon.
Nang magpasuri siya at sumailalim sa mga test na ECG, EEG, at CT scan, lumabas naman daw ang mga resulta nito na normal o Ok naman ang lahat ng kaniya.
Hanggang sa nagpa-checkup siya sa psychologist at doon na niya nalaman ang problema sa kaniyang kalusugan-- mayroong siyang HVS o hyperventilation syndrome.
"Nagpa-psychologist po ako, tinanong po niya ako that time kung may mga problema ba ako, may mga iniisip ba ako. May pinagawa po siya sa akin na test, tapos doon po niya sinabi na may hyperventilation syndrome nga po ako," kuwento ni Sheryln.
Dahil sa HVS, sinabi pa ni Sherlyn na, "Yung mga ginagawa mo dati hindi mo na siya magagawa ngayon. Actually po yung sobrang pagtawa, sobrang saya, nararamdaman ko na po na nahihirapan na naman akong tapos babagsak na lang ako."
Ipinaliwanag ni Dr. Gerald Pagaling, neurologist, kung ano ang nangyayari sa katawan ng tao kapag nag-hyperventilate.
"Yung carbon dioxide, the gas that we are exhaling out, goes out much faster. When you hyperventilate, you are expiring more carbon dioxide which is still harmful on its own. When your carbon dioxide goes slow, your blood vessels in all parts of your body specifically in the brain, it constricts," ayon kay Pagaling.
Ang taong may HVS ay nakararamdam umano ng pagkahilo, paninikip ng dibdib, pamamanhid ng katawan at mga daliri, o pamumulikat ng mga kamay at paa.
Bukod sa anxiety at stress, nagdudulot din ng hyperventilation syndrome ang pagbubuntis, infection at problema sa puso at baga.
Wala umanong gamot sa HVS pero maaaring bigyan ng pampakalma ang pasyente.
Posible rin daw na sintomas ng iba pang medical condition ang HVS kaya makabubuti na magpatingin sa duktor tulad ng neurologist o psychiatrist ang nakakaranas ng mga sintomas nito.
"So they could explore and look for other causes that could explain the condition," ani Pagaling.
Pananawagan naman ni Sheryln sa mga taong nag-iisip na umaarte lang ang mga may HVS, "Sana maging mindful po sila sa mga worlds na sinasabi nila. Kasi lahat ng tao may kaniya-kaniyang pinagdadaanan." -- FRJ, GMA Integrated News