Kung may Nori ang Japan, may Gamet naman ang mga Ilokano na isang uri ng damong dagat o seaweed na madalas isahog sa salad at iba pang pagkain.
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” makikitang ibinibilad sa matinding sikat ng araw sa Barangay Sawit sa Burgos ang gamet, na lumilitaw lamang tuwing Nobyembre hanggang Marso.
“‘Yung gamet is red algae na seaweed. Ever since daw, nung makikita nila na pagka malakas ang hampas ng alon sa mga rocks, may naiiwan ng algae. At alam nila ‘yun na ‘yung algae na ‘yun is puwedeng kainin, edible. So hina-harvest nila hanggat na perfect nila na pinipino nila,” sabi ng historian na si Pepito Castro Alvarez.
Kahit mala-buwis buhay at may peligro ang pagkuha ng gamet sa gilid ng matutulis na bato at sinasamahan ng malakas na hampas ng alon, ito ang pinagkakaabalahan ng mga kababaihan ng Barangay Sawit para kumita.
“Nu’ng natuto na akong kumuha ng gamet, nu’ng 10-years-old na ako. Kasi 'yung mga magulang ko, ganu’n din ang kabuhayan nila at sinasama nila ako na magkuha ng gamet,” sabi ni Mirasol Baniaga, nangunguha ng gamet.
May ilan nang nalagay sa alanganin ang buhay, at mayroon ding hindi pinalad na makaligtas.
“Delikado, kung delikado talaga. Kasi kung makikita niyo, panay kami mga reef dito. Tumutubo 'yung seaweed doon mismo sa mga bato. So pupuntahan nila 'yung bato, tapos malalaki 'yung alon. So ang magiging [resulta] talaga diyan, disgrasya,” sabi ni Emma Luz Rico ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office.
Kabilang sa mga nadisgrasya ang mga magulang ni Remelyn Baay na tinangay ng alon, 10 taon na ang nakararaan.
“Nangunguha na sila, hindi [nakita] 'yung magulang ko, eh 'yung mama ko na parating 'yung alon. Sabi ng papa ko, ‘Ayan na!’ hindi niya alam na, nasa likuran pala 'yung mama ko, [natangay] na ng alon,” kuwento ni Baay.
Kapag naani o nakuha ang mga gamet, diretso na itong ibinibilad. Pagkaraan ng buong araw na pagbibilad, naibibenta na nila ang pinatuyong gamet sa halagang P60 kada bilog at umaabot ng P1,500 kada haba.
Nakagawa ang mga taga-Burgos ng gourmet salt o asin gamit ang gamet, sa tulong ng Department of Science and Technology.
Tunghayan sa I Juander ang pinagkaiba ng lasa ng Pinakbet Pizza na ginamitan ng ordinaryong asin, at ng sinamahan ng Gourmet Gamet Salt.-- FRJ, GMA Integrated News
