Bukod sa umanoý pakikialam sa 2025 midterm elections sa Pilipinas, sinabi ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na napasok na ng mga espiya ng China ang mga ahensiya ng gobyerno, at baka may assistant secretary na ang ranggo.

“Sa lahat ng sektor ay may nakabaon na sleeper cells... Hindi natin alam ang extent hayaan natin ang security officials ang mag-elaborate pero talagang nakakagulat,” pahayag ni Tolentino sa Saturday News Forum.

BASAHIN: PR firm sa Pilipinas, kinontrata umano ng Chinese Embassy para sa 'trolls' noong 2023

“Kahit sa ibang ahensya ng pamahalaan ay meron silang nakabaon na espiya… sa malalaking ahensiya baka na-promote na hindi lang as division chief, baka director, baka assistant secretary level na matagal nang nagtatrabaho,” dagdag pa ng senador.

Hinihintay pa ng GMA News Online ang tugon ng Chinese embassy sa naturang pahayag ng Senados.

Una rito, sinabi ni Tolentino na mas matindi ngayon ang ginagawang pag-espiya ng China sa Pilipinas.

“Kinakaharap natin ngayon ang isang uri ng pag-eespiya ng China na hindi pa kailanman naranasan sa kasaysayan ng ating bansa. At hindi lang po ito naganap minsan, kundi patuloy,” giit niya.

Ginawa ng senador ang pahayag kasunod naman ng sinabi ng National Security Council (NSC) na may indikasyon na nakikialam ang China sa 2025 Philippine midterm elections.

Ilang senador ang nabahala sa naturang pahayag ng NSC, na tinawag nilang seryosong banta sa kalayaan at seguridad ng Pilipinas.

Naalarma rin ang Malacañang sa isiniwalat ng NSC.

"No interest"

Itinanggi naman ng China ang alegasyon na nakikialam sila sa takbo ng pulitika sa Pilipinas.

Sinabi ni Chinese foreign ministry spokesperson Guo Jiakun nitong Huwebes sa isang press conference, na sinusunod ng China ang, "principle of non-interference in other countries’ domestic affairs.”

“We noticed the attempts of some politicians to play the so-called China card to serve their political self interests and boost their election prospects before the midterm election. Such attempts are despicable and doomed to failure,” ayon sa pahayag ng Chinese Embassy.

Iminungkahi ni Tolentino na magkaroon ng regular pagsusuri sa mga kawani ng gobyerno.

“Gusto ko magkaroon ng assessment, evaluation para malaman kung sino ‘yung talagang mga espiya na nakabaon sa ating pamahalaan,” aniya.

“There has be to a regular vetting of one’s background… baka na-recruit ka na, baka bahagit ka na ng wide network of espionage ng PRC,” dagdag ni Tolentino. — mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News