Dahil sa pag-promote ng produktong pampaputi ng kilikili sa Tiktok, unti-unti nang naiaahon ng isang dating kargador ang kaniyang pamilya, na kaniyang ipinangako sa kaniyang yumaong ama na hindi niya pababayaan.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ibinahagi ng dating kargador na si Aldrick Cuevas, mula sa Naga City Camarines Sur, ang hirap ng kanilang buhay noon.
Pangatlo sa pitong magkakapatid si Aldrick, na maagang natutong magbanat ng buto mula nang pumanaw ang kanilang padre de pamilya nang dahil sa sakit noong 2012.
Ipinakita ni Aldrick ang kubo na dati nilang tirahan na nababasa ang loob kapag umuulan. Naranasan din nilang mag-ulam ng asin at matulog sa sahig na lalatagan ng karton.
Tumigil din siya sa pag-aaral nang nasa grade 5 upang unahin na makapag-aral ang iba niyang kapatid. Nagtrabaho na siya sa tubuhan upang makatulong sa kaniyang ina.
Sa sobrang hirap ng kanilang buhay, napilitan pang ipaampon ang tatlo niyang kapatid. Kaya naman nagsikap si Aldrick at umalis ng Bicol para maghanapbuhay sa ibang lalawigan gaya ng Batangas at Bulacan.
Pinasok niya ang pagiging construction workers, pag-aalaga ng baboy, hanggang sa maging kargador.
Dahil mabigat na uri ang kaniyang trabaho, lagi siyang pawisan, nabibilad sa araw, kaya naman ang kaniyang kilikili, nangitim.
Kinalaunan, pinasok ni Aldrick ang pagba-vlog sa pag-asang kahit papaano ay kumita. Hanggang sa malaman niya na maaari siyang kumita sa paggawa ng content sa Tiktok.
Hanggang sa naging Tiktok affiliate si Aldrick kung saan sinusubukan niya ang ilang produkto at kaniyang iindorso o ipopromote. Sa bawat produkto na mabebenta, nagkakaroon siya ng komisyon.
"Hanap ka lang ng legit na mga shop, bibili ka lang ng product 'yon 'yung ipo-promote mo. Kapag may bumenta may komisyon ka na do'n," paliwanag niya.
Kabilang sa produkto na kaniyang ibinenta ay sapatos, saksakan ng kuryente o extension wire, at bag.
Hanggang sa masubukan niyang i-promote ang isang deodorant na pampaputi ng kilikili na swak sa maitim niyang kilikili.
"Since kargador ako pawisin ako tapos maitim yung kilikili, ginamit ko 'yung deodorant. Natatawa ako kapag nagpo-promote ako," sabi ni Aldrick.
At napansin naman ng mga nakapanood na pumuti ang kaniyang kilikili kaya pumatok.
Kung dati ay nasa P7,000 hanggang P10,000 ang nagiging komisyon niya, ngayon nasa six-digits na ang kinikita ni Aldrick dahil sa pampaputi ng kilikili.
Dahil sa kaniyang kilikili, nakapagpatayo na siya ng bagong bahay, nakabili ng ilang motorsiklo, at bumili ng lupa na ginawan niya ng basketball court para sa kaniyang mga kabarangay.
Tuloy-tuloy na rin niyang napag-aaral ang kaniyang mga kapatid, at isa na ang nakapagtapos.
Ang isa sa pa sa mga pangarap ni Aldrick ay makapagdiwang siya ng kaarawan na makompleto silang magkakapatid, kasama ang kanilang ina.
Tunghayan ang sorpresa kay Aldrick ng kaniyang mga kapatid, pati na ang madamdamin nilang mensahe para kaniya. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News
