Nahuli-cam sa India ang isang babae na naglalakad sa palengke na bigla na lang nagliyab ang damit. Ang hinala ng ilan, posibleng may kinalaman ang matinding init ng panahon sa muntikang pagkakasunog ng babae. Totoo kaya? Alamin.

Sa video footage na ipinakita sa GMA Integrated Newsfeed, naglalakad ang babae at kaniyang mga kasamahan sa Kandoi Market sa Jodhpur, Rajasthan sa India, nang bigla na lang nag-apoy ang likod ng kaniyang kasuotan.

Mabuti na lang at kaagad siyang tinulungan ng kaniyang mga kasama at mga tao sa pamilihan upang mapagpag ang apoy kaya hindi siya tuluyang nasunog.
 
Ayon sa pamunuan ng pamilihan, tindahan ng tubig ang nadaanan ng babae at walang lutuan o anuman source ng apoy sa lugar na maaaring maging dahilan para magliyab ang damit nito.

Ang hinala ng mga awtoridad, maaaring nagliyab ang suot ng babae dahil na rin sa matinding init ng panahon.

Paliwanag kasi ng lider ng isang cloth traders association, bagaman hindi nasusunog ang tela sa sikat ng araw, pero mayroon umanong plastic na sinulid ang dupatta o ang traditional South Asian shawl ng babae.

Maaaring ang plastic na sinulid ang naging mitsa upang pagmulan ng apoy dahil sa tindi ng init.

Ang isa pa umanong posibilidad ay maaaring may static electricity na dinaanan ang babae.

O kaya naman ay nalagyan ng pabango ang kasuotan ng babae o iba pang substance na flammable o madaling masunog.

Ligtas naman ang babae na bahagyang nagkaroon ng paso sa kamay. Pero walang opisyal na deklarasyon ang awtoridad kung bakit biglang nagliyab ang damit ng babae.-- FRJ, GMA Integrated News