Totoong mga tao at hindi kathang-isip ang bata at ang sundalo na makikita sa perang papel na P500. Nangyari ang tagpo na inaabutan ng bata ng bulaklak ang sundalo sa Edsa People Power revolution noong 1986. Kumusta na kaya ang bata at ang sundalo? Alamin sa muli nilang pagkikita pagkaraan ng 39 na taon.
Sa programang "IJuander," nakilala ang bata sa larawan na si Angelo Gutierrez, 30-anyos na ngayon, at isa nang nurse sa California, USA.
Pag-amin ni Angelo, hindi niya alam ang nangyari noon dahil magta-tatlong-taong-gulang lang siya. Gayunman, natatandaan pa rin niya ang mga pangyayari.
Kasama raw niya noon ang kaniyang mga magulang sa kotse nang maipit sila sa kalsada dahil sa nagaganap na demonstrasyon ng mga tao.
Nagpasya ang kaniyang mga magulang na bumaba at makiisa sa naturang mapayapang pagtitipon.
"Hindi nila namalayan na nakawala ako sa pagkakahawak sa akin ng nanay ko. At one point nakita nila ako na nag-aabot ng bulaklak," saad ni Angelo.
"To be honest, wala akong natatandaan specifically about the event pero nauunawaan ko ang pangyayari kung bakit ako napunta sa P500, anong istorya," dagdag niya.
Sinabi pa ni Angelo na wala mang kahulugan sa kaniya noon ang pag-aabot ng bulaklak dahil bata pa siya, pero habang lumalaki ay nauunawaan daw niya na may impact ang naturang ginawa niya.
Ang hiling ni Angelo sa kaniyang pag-uwi sa Pilipinas, ang makitang muli ang sundalo na inabutan niya ng bulaklak.
"Kumusta na kaya yung sundalo? Kumusta na kaya yung photographer?," tanong ni Angelo.
Makalipas ang halos apat na dekada, napag-alaman na ang kumuha ng larawan ni Angelo at ng sundalo na si John Chua, ay pumanaw na noong 2018.
Habang ang sundalo, nakilalang si 2nd Lt. Mario Abanes, 65-anyos na ngayon, at naninirahan sa Zamboanga.
Ayon kay Mario, bagitong sundalo lang siya noong nangyari ang People power revolt. Ngayon, retirado na siya.
Kuwento niya, nang mangyari ang people power, nakatalaga ang kanilang batalyon sa Tawi-tawi at pinapunta sa Maynila sakay ng C-130 plane dahil sa nagkakaroon ng kaguluhan.
Itinalaga sila sa EDSA na ang misyon ay pangalagaan ang seguridad at kaayusan, ayon sa isa pang sundalo na kasama ni Mario.
Hanggang sa makita ni Mario ang batang si Angelo na lumapit sa kaniya.
"Ngumingiti yung bata eh. Bulaklak po, sabi niya. Hinawakan ko pa yung ulo niya. Then nakita ko na lang naghahanap yung nanay niya. Tatakbo doon papunta na katabi ko na yung bata," sabi ni Mario.
"Five minutes pa siguro bago nakarating yung nanay," dagdag niya.
Nang malaman ni Mario na nais siyang makitang muli ni Angelo, pumayag siya at naghanda sa kanilang reunion.
Suot ang military uniform, muli silang magkikita makalipas ang halos 40 taon. Panoorin ang nakaantig nilang reunion. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News
