Kalunos-lunos ang sinapit ng isang nurse na anim na buwang buntis na nasawi matapos na mabundol ng dalawang sasakyan habang tumatawid sa pedestrian lane sa Bago City, Negros Occidental. Ang sanggol sa sinapupunan niya, hindi rin nakaligtas.

Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na papasok sa trabaho sa Valladolid para sa kaniyang night shift duty si Maria Angela Buendia, 36-anyos.

Pero habang tumatawid sa pedestrian lane sa Barangay Taloc, nitong Linggo ng gabi, nahagip siya ng sasakyan na minamaneho ni Philip Jansen Cantiller.

Tumilapon ang biktima sa kabilang bahagi ng kalsada at muling nahagip ng isa pang sasakyan na minamaneho naman ni Salvador Castro.

Lumabas ang sanggol na lalaki sa sinapupunan ng biktima na pangalawa sanang niyang anak. Nasawi rin ang sanggol.

“Hustisya talaga. Siyempre dalawang buhay ang kinuha sa amin, dalawang driver din ang ipapapabilanggo namin. Nakita na niya ang manugang kong naglalakad sa pedestrian (lane), nagtuloy-tuloy pa siya,” ayon kay Carmela Buendia, na biyenan ng biktima.

Hindi naman matanggap ng mister ng biktima ang nangyari sa kaniyang mag-ina at hindi pa siya makausap.

Ayon sa driver na si Cantiller, aksidente ang nangyari at hindi nila sinasadya.

Tanggap naman ng driver na si Castro ang karapatan ng pamilya na maghabla.

"Hindi namin sinadya, aksidente. Bigla na lang nangyari. Masakit ang nangyari sa kanya, tapos buntis pa siya. Sorry, sorry, hindi namin sinasadya,” ani Castro.

Sasampahan ng reklamog reckless imprudence resulting to homicide ang mga driver.

“Sa mga may-ari ng sasakyan na tinted, huwag magbiyahe kung madilim dahil hindi makita ang tumatawid kahit pa ang ganung area ay may mga ilaw,” payo sa mga motorista ni Lt. Col. Ariel Pico, officer in charge ng Bago City Police Station.--FRJ, GMA Integrated News