Nahuli-cam ang sabay-sabay na pagtakas ng 19 na bilanggo sa isang kulungan sa Nabire, Indonesia. Ang mga prison guard, hindi na nagawang harangin ang mga inmates na armado ang itak at pamalo ang iba.
Sa isang video na mapanonood sa GMA Integrated Newsfeed, makikita na isang inmate ang nadulas habang tumatakas pero hindi na rin siya pinigilan ng mga bantay.
Nang mawala na ang mga preso, saka naglabasan ang mga nagtagong correctional officers. Isa sa kanila ang sinasapo ang kaniyang kamay matapos masugatan nang tagain ng inmate na nanguna sa pagtakas.
"We do not yet know for sure where the machetes came from. It is suspected that they were hidden under clothes during visiting hours," sabi ni Edi Saputra ng Nabire Prison.
Batay sa mga awtoridad, nag-umpisa ang pagtakas matapos magpaalam ang dalawang bilanggo na pupunta sa registration room sa gitna ng visiting hours.
Pagbukas ng pintuan ng selda, dito na umatake ang dalawang inmate.
"Most likely this was planned. When the door was open, a group of prisoners immediately attacked from behind," sabi ni Saputra.
Tatlong prison guards ang sugatan matapos ang pagsalakay ng mga preso.
Ilan sa 19 inmate na nakatakas ay mga miyembro ng isang armed criminal group.
Ilan pa sa mga nakatakas ang mga miyembro naman ng rebeldeng grupo.
Bumuo na ng task force ang mga awtoridad doon upang tugisin ang mga preso at ibalik sa kulungan.
Nitong Mayo 8, nakatakas din mula sa parehong piitan ang tatlong presong iniuugnay sa armed criminal group.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
