Naiwasan ang nakakakilabot na sakuna sa loob ng isang restaurant sa China dahil sa matapang na ate na handang itaya ang sariling kaligtasan masagip lang ang batang kapatid.

Sa video na mapapanood sa GMA Integrated Newsfeed, makikita na ipinarada ng isang lalaki ang kaniyang e-vehicle sa tapat ng kainan nang bigla itong umandar.

Wala nang nagawa ang may-ari ng sasakyan para pigilan ito. Ang e-vehicle, nagdire-diresto sa loob ng restaurant kung saan mayroong isang bata na naglalaro.

Mabuti na lang at nandoon din ang nakatatandang kapatid na bata na matapang na kinuha at binuhat siya.

Makikita sa kuha ng CCTV camera sa loob ng kainan na muntikan nang nabundol ng e-vehicle ang bata kung hindi nakuha ng kaniyang ate. 

Bumangga ang sasakyan sa gilid ng pader na nagdulot ng bahagyang pinsala. Nabasag din ang glass door.

Ayon sa mga awtoridad, customer sa kainan ang may-ari ng e-vehicle, at hindi pa raw nito kabisado ang kontrol sa sasakyan na bagong bili lang.

Handa naman ang may-ari ng e-vehicle na sagutin ang pinsalang idinulot ng kaniyang sasakyan, pati ang nawalang kita ng restaurant dahil sa nangyari.

Ang ate naman ng bata na si Li Xinrui, 11-anyos, sinabing hindi na niya inisip ang peligrong puwedeng mangyari sa kaniya basta mailigtas lang ang kaniyang batang kapatid na babae. 

Batid din ng kanilang lolo ang malagim na posibleng nangyari kung hindi naging matapang ang apo niyang si Xinrui.

Tinanggap din nila ang paghingi ng paumanhin ng may-ari ng sasakyan. -- FRJ, GMA Integrated News