Mahigit limang taon nang walang ugnayan sa kaniyang pamilya ang isang ama na person deprived of liberty (PDL) o nakakulong, matapos niyang ilihim ang kaniyang sitwasyon. Pero nang ma-stroke habang nakapiit, hindi naiwasan sumagi sa isip niya na baka hindi na niya tuluyang makitang muli ang dalawa niyang anak. Pero may sorpresang naghihintay sa kaniya.
Sa nakaraang episode ng “Good News,” nakilala ang PDL na si “Ed,” hindi niya tunay na pangalan, na nakulong noong 2020 matapos mahuli at makulong sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Habang nasa kulungan, tila bumalik siya sa ulirat, at napagtantong hindi maganda ang naidulot sa kaniya ng droga. Bukod dito, nawalan na rin siya ng komunikasyon sa dalawa niyang anak na edad 14 at 11.
“Ayoko pong ipaalam sa kanila na nasa kulungan po ako. Ayoko pong ma-involve sila sa buhay na meron ako,” sabi ni Ed.
May programa ang Bureau of Jail Management and Penology na Balik Bisita Monitoring para sa mga kagaya ni Ed na maganda ang ipinapakitang asal sa loob ng piitan, at nangungulila sa kaniyang pamilya.
Sa ilalim ng programa, sinusundo ang mismong pamilya ng mga PDL na may “good standing” o walang infraction sa loob ng kulungan, ayon kay Jail Senior Inspector Jose Marie Sabeniano, MPM.
Nakilala ng mga jail officer ang dating kinakasama ni Ed na si “Beth,” at mga anak nila na sina “Mark” at “Angelo,” mga hindi nila tunay na pangalan.
Ayon sa kanila, hindi lima kundi mahigit pang taon nang huli nilang nakita ang kanilang padre de pamilya.
Si Mark, tanging mga laruan na lamang ang alaalang naiwan ni Ed sa kaniya.
“Nalulungkot po. Kasi po di na po namin siya makikita,” sabi ni Mark.
“I haven’t met him,” sabi naman ng kaniyang bunsong anak, na halos isang taong gulang pa lang nang huling makita si Ed.
“Hindi ko po sila nasubaybayan sa paglaki nila. Nawalan ako ng opportunity na ipakita ‘yung pagiging daddy ko sa kanila,” emosyonal na sabi ni Ed.
Bagaman may galit, sinabi ni Beth na mas nangingibaw ang pang-unawa niya para sa mga bata.
“Nami-miss po siya kasi po wala po siya para sa special days po. Sometimes po nagkaka-hope po ako na makikita po ulit namin siya,” sabi ni Mark.
Batid naman ni Ed na malaki ang pagkukulang niya sa kaniyang mga anak kaya hihingi siya rito ng tawad kung makikita niya.
"Sasabihin ko kung gaano ko sila kamahal. Ang laki ng pagkukulang ko sa kanila kasi,” emosyonal na sabi ni Ed.
Hanggang sa ang inaasam na pagkakataon ni Ed, nangyari na nang dalawin siya ng kaniyang mga anak. Tunghayan sa video ng Good News ang emosyonal na pagkikita ng mag-aama. Panoorin ang buong episode sa ibaba.
-- FRJ, GMA Integrated News
