Itinuturing na isang himala ang nangyari sa isang lalaki na nag-iisang nakaligtas sa bumagsak na flight 171 ng Air India noong Hunyo 12, na may sakay na 242 na pasahero at crew. Ang kaniyang inupuan: 11A.
Sa ulat ng Reuters, kinilala ang nakaligtas na pasahero na si Vishwash Kumar Ramesh, 40-anyos, at naninirahan na si Britanya.
Patungo sa London ang naturang commercial passenger plane na bumagsak ilang saglit lang matapos na mag-take-off sa Ahmedabad sa India.
Ayon kay G.S. Malik, hepe ng pulisya ng Ahmedabad, posibleng si Ramesh lang ang nakaligtas sa trahedya, bagamat wala pang opisyal na pahayag ang mga lokal na opisyal kung nasawi ang lahat sakay sa eroplano
Ipinakita ni Ramesh sa mga mamamayag sa India ang kaniyang boarding pass bilang patunay ng kaniyang pangalan, flight number, at seat number.
Ginagamot siya sa isang ospital dahil sa mga tinamong sugat sa dibdib, mata, at paa.
Nagawa rin niyang ikuwento sa mga mamamahayag ang nangyari.
"It all happened so quickly," sabi niya sa Hindustan Times. "When I got up, there were bodies all around me. I was scared. I stood up and ran. There were pieces of the plane all around me."
"Someone grabbed hold of me and put me in an ambulance and brought me to the hospital," dagdag pa niya.
Isang Boeing 787-8 aircraft ang bumagsak na eroplano na nangyari ilang minuto matapos itong lumipad mula sa airport. May sakay itong 242 na katao — 169 na Indian nationals, 53 na Briton, pito na Portuges, at isang Canadian.
Wala pang inilalabas na opisyal na impormasyon ukol sa sanhi ng pagbagsak ng eroplano.
Ayon kay Malik, sinabi ni Ramesh na kasama niya sa biyahe ang kapatid na si Ajay pero sa ibang bahagi ng eroplano ito nakaupo.
Pabalik na umano sila sa Britanya matapos na bumisita sa mga kamag-anak sa India.
"He was traveling with me, and I can’t find him anymore. Please help me find him," pakiusap ni Ramesh. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News
