Itinuturing biyaya ng mga mangingisda sa Camarines Norte ang pagkakahuli nila sa isang higanteng lapu-lapu na kasinglaki ng tao. Pero hindi pala iyon ang unang pagkakataon na may nahuling dambuhalang isda sa karagatan ng Camarines, na itinuturing may magandang palatandaan. Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” sinabing nahuli ng mga mangingisda ang higanteng lapu-lapu na may bigat na 150 kilos noong Hunyo 16 sa Calaguas Island.
“Naghulog po ako ng kawil. Naramdaman ko na lang po na may naghila dun sa kawil,” sabi ng mangingisdang si Randy Diaz.
“Parang matigas hilahin. Talagang puwersado,” sabi naman ni Fernando Biga, isa pang mangingisda.
Pagkadala nila ng higanteng isda sa pampang, nanlaki ang mga mata ng kanilang mga ka-barangay. Dahil dito, tumulong na ang iba pang kalalakihan para iahon ang isda.
Ngunit dahil sa laki ng isda, dinoble na nila ang pagkakatali sa kawayan, at inabot sila ng kalahating oras para maiangat mula sa dagat.
Nang sukatin, umabot sa anim na talampakan ang haba nito at may timbang na 150 kilo. Tila kasya rin sa bunganga ng isda ang tatlong ulo ng tao.
Pahirapan din ang pagkaliskis sa higanteng lapu-lapu, at pinagtulungan ng tatlong tao para ito tadtarin. Mula 4 p.m., natapos na silang maglinis sa isda bago mag-7 p.m.
Naibenta ng mga mangingisda sa halagang P20,000 ang higanteng lapu-lapu.
Ayon sa environmentalist na si Gregg Yan, mayroong 162 different species ng grouper o lapu-lapu.
Ang pinakamaliit, nasa 6 o 8 inches lang ang laki. Habang ang mga higante, umaabot ng 6 o 7 feet. At ang bigat nila, umaabot ng mula 300 kilos hanggang 500 kilos.
"So the lifespan of a big grouper can range from maybe 30 years, 50 years,” paliwanag pa ni Gregg Yan.
Ngunit hindi pala iyon ang unang pagkakataon na may nahuling dambuhalang lapu-lapu sa karagatan ng lalawigan. Noong nakaraang taon, may nahuli rin na mas malaking lapu-lapu sa bayan ng Mercedez na umabot sa 200 kilos at naibenta ng P27,000.
Ayon kay Yap, magandang indikasyon na may nahuhuling giant lapu-lapu sa karagatang bahagi ng Camarines Norte.
“Ang mga places kung saan natin sila mahahanap ay maituturing natin na medyo maganda pa ang level of biodiversity. So kung sila ay mahahanap sa Camarines, ibig sabihin nu’n, relatively rich pa ‘yung reefs ng Camarines,” dagdag ni Yan. -- FRJ, GMA Integrated News
