Nagkaroon man ng suliranin ang kaniyang mga magulang, isang lalaki ang napunan naman ng pagmamahal ng yayang nag-aruga at tumayong nanay sa kaniya sa loob ng tatlong dekada. Kaya ang lalaki, itinuturing nang tunay na ina ang yaya na nagpalaki sa kaniya.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” itinampok ang kuwento ng 32-anyos na si Denisse Aldrin Cisneros, at kaniyang yaya na si Dolores Fernandez.

“Mula umpisa ako na ang nag-alaga sa kaniya. Ako ang nagtimpla ng gatas niya, nagluto ng pagkain, hanggang sa paghahatid sa eskuwelaha,” sabi ni Dolores.

Bago nito, maagang nawalay noon si Denisse sa kaniyang tunay na ina nang mangibang bansa ito para maitaguyod ang kanilang pamilya. Ang kaniya namang ama, nasa malayong lugar din na nag-aral ng pulisya kaya hindi niya ito masyadong nakakasama.

Dahil dito, si Yaya Inday na ang nag-alaga at tumayong gabay kay Denisse mula pagkabata.

“Si Denisse, mabait siya. Wala akong naging problema sa kaniya,” ani Yaya Inday.

Sabi naman ni Denisee tungkol sa kaniyang yaya, “Si Mama Inday bilang isang nanay, hindi siya mahigpit. Ni kailanman hindi ko po nakanasan na napalo. Siya po 'yung tipo ng nanay na pinapaintindi niya sa akin kung bakit kailangan ko itong gawin, kung bakit hindi ko puwedeng gawin ito.”

Kalaunan, dumaan si Denisse sa matinding pagsubok sa murang edad nang magdesisyong maghiwalay ang kaniyang mga magulang.

Dahil sa hiwalayan ng mga magulang, napunta si Denisse sa pangangalaga ng kaniyang lolo, at ni Yaya Inday.

“Lahat po ng pagkukulang sa buhay ko, na pagmamahal mula po sa parents ko, napunan naman po lahat ng nanay Inday at saka ng lolo ko,” sabi ni Denisse.

Hanggang sa pumanaw noong 2013 ang lolo ni Denisse.

Dahil nawala na ang kaniyang mga amo, tapos na rin sana ang kontrata ni Yaya Inday.

Ngunit sa halip na humanap ng ibang mapapasukan, pinili ni Yaya Inday na manatili sa tabi ni Denisse kahit walang sweldo ang kaniyang serbisyo.

May dalawang anak daw talaga si Inday. Ngunit dahil malalaki na sila, naintindihan nila ang pagnanais ng ina na samahan ang alaga nito.

“Naawa naman ako sa kaniya na iwan siya kasi wala na siyang lolo, kami na lang. Hindi na ako umuwi,” sabi ni Yaya Inday.

Hanggang sa nagdesisyon na si Yaya Inday sa pagiging ina at siya ang sumuporta sa pag-aaral ng kaniyang alagang si Denisse na naging anak na rin.

Lumalapit pa si Yaya Inday sa mga kapitbahay para may pagkain silang dalawa.

Dahil sa tibay ng loob at dedikasyon ni Mama Inday, nakapagtapos na rin ang pag-aaral si Denisse.

May trabaho at maayos na ang buhay ngayon ni Denisse.

“Sobrang saya ko din po kasi pakiramdam ko ito na po 'yung pagkakataon ko na makapag-give back po sa sacrifices ni Mama Inday, sa love po na binibigay niya sa akin. I feel really blessed. Nabibigay ko na po 'yung mga gusto ni Mama Inday,” sabi ni Denisse.

Emosyonal na sabi naman ni Nanay Inday, “Ang panalangin ko patuloy siyang biyayaan ng Diyos ng maraming grasya. Matupad niya ang kaniyang pangarap… . Hangga’t kaya ko na makita ko mga ginagawa niya,  magsisilbi pa rin ako sa kaniya.”

Mensahe naman ni Denisse sa kaniya, “Ma, I hope na kahit sa dami ng pinagdaanan natin, ngayon na nakaluwag-luwag na tayo. I hope you're happy and proud ka sa akin. And promise ko sa'yo na kahit anong mangyari, hindi kita iiwan kasi hindi mo din talaga ako iniwan.” –FRJ, GMA Integrated News