Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes na mabigat ang magiging “kalaban” sa kaso ng nawawalang mga sabungero dahil sa mapera umano ang posibleng utak sa krimen na kayang umabot ang impluwensiya sa korte.
“Ang bigat ng kalaban dito kasi ang pera niyan makakapasok ‘yan hanggang even sa judiciary. That’s one thing that we might have to talk to the Chief Justice about,” ayon kay Remulla sa ambush interview.
“Kasi mabigat. Mabigat ang pera ng e-sabong. Hindi ito basta-basta,” dagdag pa niya.
Nang hingan ng pahayag ang Korte Suprema, sinabi ng tagapagsalita nito na si Atty. Camille Ting na hindi muna sila magbibigay ng pahayag.
“We are unable to comment at this time, as we have yet to meet with the SOJ regarding this matter,” saad sa ipinadala niyang mensahe sa mga mamamahayag.
Tumanggi muna si Remulla na pangalanan ang posibleng mastermind dahil patuloy pa ang kanilang case build up.
"Pinag-aaralan pa namin ang maraming bagay at nagke-case build up pa rin kami. Hindi kami tumitigil kasi mahirap magsalang ng kaso na hindi buo, so binubuo pa namin ang lahat ng detalye ng kaso," sabi ng kalihim sa hiwalay na pahayag
Nitong nakaraang linggo, inihayag ng isa sa mga akusado sa kaso na nais nang maging testigo na si Alyas Totoy, na patay na ang mga nawawalang sabungero at itinapon ang mga bangkay sa isang palaisdaan sa Taal Lake.
Pinatay umano sa sakal ang mga biktima at itinapon sa lawa na may pabigat na nilagyan ng buhangin.
Sinabi ni Remulla, na hihingi ng tulong ang pamahalaan sa Japanese government para sa kagamitan upang hanapin sa lawa ang mga sinasabing bangkay.
Kamakailan lang, nasa 30 katao ang iniuugnay ni Alyas Totoy na sangkot umano sa pagdukot at pagpatay sa nawawalang mga sabungero. Ilan umano sa mga sangkot ay mga pulis.
“Estimated ko, mga 10 ang sibilyan o mahigit pa. Yung mga nasa serbisyo, mga 20 yun sila,” saad niya. -- mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News
