Namangha ang ilang residente sa Cagayan nang mag-uwi ang mga kababayan nilang mangingisda ng isang dambuhalang lapu-lapu.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nahuli ng mga mangingisda ang dambuhalang lapu-lapu na may bigat na 140 kilos sa Babuyan Channel, na nasa pagitan ng Santa Ana at Camiguin Island sa Cagayan
Ang haba ng dambuhalang isda, halos kasing laki ng isang adult na tao.
Ayon sa mga residente, bihira silang mabiyayaan ng ganoong kalaking isda.
Naibenta ng mga mangingisda ang nahuli nilang dambuhalang isda sa halagang P12,000.
Kamakailan lang, isang dambuhalang lapu-lapu rin ang nahuli sa karagatang sakop ng Camarines Norte, particular sa bahagi ng Calaguas Island.
May bigat na mahigit 150 kilos ang isda na naibenta sa halagang P20,000.
Ngunit hindi umano iyon ang unang pagkakataon na may nahuling malaking lapu-lapu sa karagatan ng Camarines Norte.
Ayon sa environmentalist na si Gregg Yan, mayroong 162 different species ng grouper o lapu-lapu.
Ang pinakamaliit, nasa 6 o 8 inches lang ang laki. Habang ang mga higante, umaabot ng 6 o 7 feet. At ang bigat nila, umaabot ng mula 300 kilos hanggang 500 kilos.
"So the lifespan of a big grouper can range from maybe 30 years, 50 years,” paliwanag pa ni Gregg Yan
Ayon pa kay Yap, magandang indikasyon na may nahuhuling giant lapu-lapu sa karagatang bahagi ng Camarines Norte.
“Ang mga places kung saan natin sila mahahanap ay maituturing natin na medyo maganda pa ang level of biodiversity. So kung sila ay mahahanap sa Camarines, ibig sabihin nu’n, relatively rich pa ‘yung reefs ng Camarines,” dagdag ni Yan.
Samantala, ayon sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, may paalala ang mga eksperto na dapat mag-ingat sa pagkain ng malalaking lapu-lapu lalo na ang nahuhuli sa mga reef area.
Ilan daw kasi sa mga malalaking lapu-lapu ay maaaring nagtataglay ng ciguatoxin, o isang uri ng lason na hindi natatanggal kahit lutuin o ilagay sa yelo ang isda.—FRJ, GMA Integrated News
