Lumantad na si Alyas “Totoy,” na Julie "Dondon" Patidongan ang tunay na pangalan, at idinawit ang negosyanteng si Charlie "Atong" Ang at aktres na si Gretchen Barretto, sa kaso ng nawawalang mga sabungero, na nauna nang iniulat na mga patay na umano.
Sa exclusive interview ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ni Patidongan, na siya ang chief of security sa mga farm ng mga panabong na manok ni Ang.
Matagal na umanong nagtatrabaho si Patidongan kay Ang na nagsimula bilang bodyguard 15 taon na ang nakararaan, hanggang sa maging chief security sa mga farm.
Ayon kay Patidongan, nasa sinumpaang salaysay niya ang mga taong nasa likod umano ng pagkawala ng mga sabungero na tinukoy niya na sina Atong Ang, Eric dela Rosa, at Celso Salazar.
Si Dela Rosa umano ang nagmomonitor ng mga palabas at ipinapaalam nito kay Ang kung “tiyope” o dinaya ang laban o sabong.
“Then mag-uusap sila ni Celso Salazar, then itawag sa akin na i-hold ang mga tao nagtitiyope,” patuloy niya.
Sinabi pa ni Patidongan na may mga pulis na pupunta sa lugar ng sabungan para kunin ang mga biktima.
Si Ang umano ang pinaka-mastermind at nag-uutos na patayin ang mga biktima.
Sinabi rin ni Patidongan na si Gretchen ang tinutukoy niyang aktres na may kinalaman din sa kaso.
“100 percent na may kinalaman siya gawa na lagi silang magkasama ni Mr. Atong Ang,” sabi ni Patidongan, na nanawagan kay Gretchen na makipagtulungan sa kaniya.
Ayon kay Patidongan, lumantad siya ngayon at nagsalita dahil tiwala umano siya na hindi kayang bayaran ang kasalukuyang lider ng Philippine National Police na si General Nicolas Deloso Torre III.
Bagaman idinadawit din siya at kasama sa mga akusado sa kaso ng nawawalang mga sabungero, sinabi ni Patidongan, wala siyang kinalaman sa krimen dahil isa lang siyang utusan bilang farm manager.
Sinabi rin ni Patidongan na may mga tauhan umano ni Ang na nakipag-ugnayan sa kaniya para pumirma sa kasulatan upang bawiin niya ang kaniyang sinumpaang-salaysay kapalit umano ng bayad na P300 milyon.
Nanawagan siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tulungan siya sa kaniyang ginagawa para mabigyan umano ng hustisya ang mga biktima.
Samantala, nakatakda umanong kasuhan ng kampo ni Ang si Patidongan sa Huwebes dahil sa mga alegasyon nito.
Nauna nang sinabi ni Patidongan na pinatay na ang mga nawawalang sabungero at itinapon ang mga bangkay sa Taal lake na nilagyan ng pabigat na buhangin.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang mga taong binanggit ni Patidongan. – GMA Integrated News
