Kinagigiliwan ng mga sumusubaybay sa Kapuso series na “Encantadia Chronicles: Sang'gre,” ang isang Aspin na gumaganap na si “Danaya” na nag-anyong aso. Ngunit napag-alaman na bago siya mapanood sa telebisyon, mayroon palang madilim na nakaraan ang aso. Paano kaya siya napaamo at sinanay? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” ipinakilala ang sikat na ngayong Aspin na si "Pia," na mula sa Antipolo, Rizal.
Ayon kay Tristan Huertas, isang dog trainer na kumupkop kay Pia, kakaiba ang naturang aso dahil sa hugis-pusong marking nito sa katawan.
Bukod sa acting, marunong din ng ibang tricks si Pia gaya ng pagtalon sa hulahoop.
Kilala si Huertas na pinagkukunan ng mga aso na puwedeng gumanap sa mga palabas sa telebisyon at pelikula. Siya rin ang trainer ng celebrity dog na si Milo, na gumanap sa isang pelikula ni Sarah Geronimo, at bidang-bida online bilang “Milo and Friends.”
“[Taong] 2016 pa lang, supplier na po talaga ako ng mga talented dog. And kasabay nu’n, siyempre naging contact ako ng mga productions, ng iba't ibang TV stations,” sabi ni Huertas.
Kalaunan, nalaman ni Huertas na naghahanap ng Aspin ang “Encantadia Chronicles: Sang’gre” para sa role ni Danaya.
“Nagkataon lang kailangan nila talaga Aspin at si Pia talaga ‘yung napili. Tsaka babae kasi si Pia,” ani Huertas.
Ngunit bago napunta sa kaniyang pangangalaga, napag-alaman na dating pagala-gala sa lansangan si Pia.
“Meron isang naging kaibigan ako na grupo, tinatawag na ‘Guardians of the Fur.’ Sila 'yung mga nagre-rescue, tumutulong sa mga stray dogs. So sabi nila, meron daw silang na-rescue na puppy na pagala-gala sa kalsada, napabayaan,”lahad ni Huertes.
“Tandang-tanda ko, nu’ng unang dating sa akin ni Pia, kinagat talaga ako ni Pia. So sabi ko, challenge talaga, paano ko papaamuhin ‘tong asong ‘to,” anang dog trainer.
Maaaring defense mechanism daw ni Pia ang ginawa niya noon kay Huertas, ayon kay Kuya Kim. Dagdag niya, may matataas na survival instinct ang mga Aspin.
Dahil karamihan sa kanila ang lumaki sa kalsada, natural sa kanila ang pagiging alerto, matatag sa sakit at maabilidad sa paghahanap ng pagkain at ligtas na lugar.
Pero sa paglipas ng panahon, nakuha rin ni Huertes ang tiwala ni Pia hanggang sa maturuan na niya ito. – FRJ, GMA Integrated News
