Inihayag ng Supreme Court (SC) o Korte Suprema na isang uri ng panloloko ang paglilihim ng asawa sa kaniyang tunay na sexual preference o identity na magagamit na basehan sa annulment o pagpapawalang-bisa ng kasal.
"Marriage is a special contract of permanent union between a man and a woman entered into in accordance with law for the establishment of a conjugal and family life," ayon sa desisyon ng SC Second Division sa kaso ng isang babae na pinawalang-bisa ang kasal sa asawa na itinago umano ang tunay na seksuwalidad nito.
"Thus, a marriage may be annulled when consent was obtained by fraud," dagdag sa walong-pahinang desisyon ng korte.
Nakasaad sa desisyon na nagkakilala ang dating mag-asawa sa social media, at nagtatrabaho sa Saudi Arabia ang lalaki.
Hanggang sa nagkita na sila sa Pilipinas noong 2012. Pero sa kanilang unang date, sinabi ng babae na hindi hinawakan ng lalaki ang kaniyang kamay at hindi rin siya hinalikan.
Idinahilan umano ng lalaki ang pagiging mahiyain nito at kawalan ng kompiyansa sa sarili.
Naging long-distance ang relasyon ng dalawa dahil sa pagtatrabaho ng lalaki sa Saudi Arabia. Sa kabila nito, nagpakasal pa rin ang dalawa ngunit umiwas umano ang lalaki na sipingan ang asawa at muling bumalik sa ibang bansa.
Hanggang noong 2015, nadiskubre ng babae ang mga babasahin na may mga lalaking nakahubad sa gamit ng kaniyang mister.
Nang komprontahin ng babae ang kaniyang mister, umamin ito sa kaniyang pagiging homosexual.
Umalis ang babae at tumira sa kaniyang pamilya. Kasunod nito, naghain ng annulment ang babae at ginamit na dahilan sa pagpapawalang-bisa sa kasal nila ng mister ang panlilinlang nito sa tunay niyang kasarian.
Hindi umano niya pakakasalan ang kaniyang mister kung alam lang niya ang totoo nitong katauhan.
Gayunman, parehong ibinasura ng Regional Trial Court at Court of Appeals ang petisyon ng babae.
Pero binaliktad ng SC Second Division ang naturang pasya ng RTC at CA. Ayon sa SC, napatunayan ng babae sa kaniyang mga inihayag na katibayan na itinago ng lalaki ang kaniyang tunay na seksuwalidad.
Binigyang-diin ng SC ang Article 45 ng Family Code, na nagsasaad na maaaring ma-annul ang kasal kung ang pahintulot ng isa ay nakuha sa panlilinlang, at hindi na nagsama ang mag-asawa matapos matuklasan ang ginawang panlilinlang ng isa.
Idinagdag pa ng SC na nakasaad sa Article 45 na ang pagtatago ng tunay na seksuwalidad ay maituturing na panlilinlang.
"With the lies and deception, coupled by their failure to cohabit as husband and wife, it is evident that [the man] merely tricked [the woman] to marry him by making her believe that he is a heterosexual," ayon sa SC.
Hindi rin umano maaaring ipagsawalang-bahala ang pag-amin ng lalaki at ang kaniyang pananahimik..
"No woman would put herself in a shameful position if the fact that she married a homosexual was not true. More so, no man would keep silent when his sexuality is being questioned thus creating disgrace in his name," dagdag ng SC.
Pinonente ni Associate Justice Antonio Kho Jr., ang naturang desisyon na inihayag noong Marso at isinapubliko ngayong Hulyo. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News
