Isang 26-anyos na babae ang madalas ireklamo ng mga kliyente sa call center na kaniyang pinagtatrabahuhan dahil sa kaniyang boses na parang bata. Pero maging ang kaniya palang hitsura, mukha ring bata. Ano nga ba ang kaniyang kondisyon at may dapat ba siyang ikabahala sa kaniyang kalusugan?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si Kimberly Lorica o Kim, na isang call center employee.

Normal naman daw nang isilang si Kim, ngunit pagsapit niya ng tatlong-taong-gulang, napansin ng kaniyang ama ang pagbagal ng kaniyang paglaki.

Ikinababahala rin ni Kim na sa kabila ng kaniyang edad ay hindi pa siya nagkakaroon ng “buwanang dalaw,” kaya hindi niya nailalabas ang “maruming dugo.”

“Hindi po ako nagkaka-pimple, tapos hindi po ako nireregla ever since. Baka sa pagtanda [ko] may ibang epekto siya sa katawan ko, kasi hindi ko nari-release ‘yung maduming dugo,” sabi niya.

Bukod doon, nangangamba rin si Kim na baka hindi na siya magkaanak at hindi siya makabuo ng sarili niyang pamilya.

“Gusto ko rin pong magkapamilya para may katuwang ako sa buhay, sa future, may kasama pagtanda. Pagtanda mo kasi, maiingit ka sa iba, na may sariling pamilya,” emosyonal na sabi ng dalaga.

Samantala, ipinasuri sa isang obstetrician-gynecologist si Kim, at natuklasan na posibleng may kondisyon siya na tinatawag na “Thurner Syndrome,” isang genetic disorder na hindi normal ang chromosome sa katawan.

“We all have 46 chromosomes. What happens with Thurner Syndrome is may kulang na sex chromosome. So this happens randomly, it happens in 1 in 2,500 women,” sabi ni Dr. Elva Sarte-Uygongco.

“‘Yung worry ni Kim na parang naiipit ‘yung dugo sa loob at hindi nakakalabas, baka magkaroon ng infection or cause problems, hindi ito mangyayari. ‘Yung ating sex hormone, meron din siyang gene that actually promotes growth. Dahil wala ‘yung gene na iyon kaya hindi tumatangkad si Kim,” dagdag pa ng doktora.

Tungkol naman sa hindi niya pagkakaroon ng mga tigyawat, ipinaliwanag ni Dr. Sarte-Uygongco na walang hormone si Kim para mag-udyok ng secondary sexual characteristics.

Inilahad din ng doktora na dahil sa kaniyang kondisyon, magiging mahirap para sa kaniya na mabuntis.

“When we check their egg levels, wala silang sariling eggs to even produce a baby. Tapos minsan sobrang liit na ng matres nila, na it will be difficult for them to even get pregnant, if they want to get pregnant,” anang doktora.

Gayunman, kailangan ni Kim na sumailalim sa karyotyping para makumpirma kung mayroon siyang Thurner Syndrome.

“Medyo nalungkot nga po ako na nalaman ko na hindi na ako puwedeng mabuntis. Pero tanggap na lang talaga ang gagawin,” sabi ni Kim.

Kumusta naman kaya ang love life ni Kim? Panoorin ang buo niyang kuwento sa video. – FRJ GMA Integrated News