Asahan ang dagdag na pensiyon ng mga manggagawa sa pribadong sektor dahil sa ipatutupad na programa ng Social Security System (SSS) na layuning itaas ng 10 porsiyento sa bawat taon ang natatanggap ng mga retirado at disability pensioners hanggang 2027. Pagtiyak pa ng SSS, walang dagdag na singil na kontribusyon na gagawin para sa mga miyembro kaugnay nito.

Sa isang pahayag, sinabi ng SSS na inaprubahan ng Social Security Commission (SSC) ang Pension Reform Program sa ilalim ng Resolution No. 340-s.2025 na may petsang Hulyo 11, 2025.

Sisimulan ang pension adjustments sa September 2025, na ayon sa ahensya ay kauna-unahang multi-year o sunod-sunod na taunang pagtaas sa pensiyon sa kasaysayan ng SSS sa loob ng nakalipas na 68 taon.

Ilalathala umano sa mga pahayagan ang naturang reporma, ayon pa sa SSS.

 “We’ve heard the clamor for higher pensions loud and clear,” sabi ni SSS president and CEO Robert Joseph De Claro.

“With the guidance of Finance Secretary and SSC Chairperson Ralph G. Recto, and after careful actuarial review, we are rolling out a rational and sustainable pension increase that uplifts all pensioners without compromising the fund’s actuarial soundness,” dagdag pa ni De Claro.

Ipatutupad ang pagtaas sa pensiyon tuwing buwan ng Setyembre:

September 2025 (for pensioners as of 31 August 2025):

  • 10% increase – Retirement and Disability Pensioners
  • 5% increase – Death or Survivor Pensioners

September 2026 (for pensioners as of 31 August 2026):

  • Additional 10% increase – Retirement and Disability Pensioners
  • Additional 5% increase – Death or Survivor Pensioners

September 2027 (for pensioners as of 31 August 2027):

  • Additional 10% increase – Retirement and Disability Pensioners
  • Additional 5% increase – Death or Survivor Pensioners

Pagkaraan ng tatlong taon, ang kabuuang pagtaas sa pensiyon ay aabot sa humigit-kumulang 33% para sa mga retirado/may kapansanan, at 16% para sa mga death/survivor pensioners, ayon sa SSS.

 

 

 

Ayon pa sa SSS, ang reporma sa pensiyon ay nakabatay sa tatlong prinsipyo:

  •  Pagtaas sa pensiyon ng lahat ng pensioners sa pamamagitan ng inclusive benefit adjustments
  •  Pagbawi sa epekto ng inflation upang mapanatili ang purchasing power
  •  Pagtataguyod ng kahalagahan ng pagtatrabaho, pag-iipon, pag-iinvest, at pag-unlad, alinsunod sa RA 11199

Ayon sa Chief Actuary ng SSS, magdudulot lang ng kaunting pagbaba sa fund life ang ipatutupad na reporma mula 2053 tungo sa 2049, na mababalanse naman sa mas malakas na cash flow mula sa mga naunang reporma sa kontribusyon at pinalakas na pangongolekta.

“Our actuarial team confirms that the fund remains financially sound,” pagtiyak ni De Claro. “We are committed to restoring fund life back to 2053 through coverage expansion and improved collection efficiency.”

Ayon pa sa SSS, mahigit 3.8 milyong pensioners ang makikinabang sa reporma, kabilang ang 2.6 milyon na retirado o may kapansanan, at 1.2 milyon na survivor pensioners. Tinatayang magbibigay ito ng ?92.8 bilyon na sirkulasyon sa ekonomiya mula 2025 hanggang 2027.

Dagdag pa rito, sinabi ng SSS na hindi na kailangang magtaas ng kontribusyon para sa bagong programa, hindi tulad ng P1,000 karagdagang benepisyo na ibinigay sa lahat ng pensioners simula 2017 na kinailangang itaas ang kontribusyon upang mapanatili ang katatagan ng pondo ng SSS. — Mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News