Nagsampa ang mga kaanak ng mga nawawalang sabungero ng reklamong murder sa Department of Justice (DOJ) laban sa negosyanteng si Atong Ang, na itinurong utak umano sa krimen ng whistleblower Julie “Dondon” Patidongan.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" ngayong Biyernes, sinabi ng ilan sa mga naghain ng reklamo, na kasama sa mahigit 60 tao na inakusahan ang aktres na si Gretchen Barretto, at si National Capital Region Police Office chief retired Police General Jonnel Estomo.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang mga inaakusahang tao na sangkot umano sa pagdukot at pagpatay sa mga nawawalang sabungero, batay sa mga isiniwalat ni Patidongan, na isa rin sa mga akusado sa kaso na nais na ngayon na maging testigo.

Pero dati nang itinanggi nina Ang, Barretto, at Estomo, ang mga alegasyon ni Patidongan.

Sinabi ni Ang sa naunang mga pahayag na hinihingan umano siya ni Patidongan ng pera kapalit ng hindi pagdadawit sa kaniya sa kaso, bagay na itinanggi naman ng whistleblower.

Ayon kay Ryan Bautista, kapatid ng isa sa mga nawawalang sabungero, reklamong serious illegal detention, multiple murder, at iba pa, ang inihain nilang reklamo laban kina Ang, at mga kasama nito.

“Masaya po kami kasi makakapag-file po kami ng kaso,” saad ni Bautista sa ambush interview.

Inihayag naman ni Charlene Lasco, kapatid ng isa rin sa nawawalang mga biktima, “Ang mga kinasuhan po namin siyempre 'yung aming matagal na talagang hinala, si Mr. Atong Ang.”

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, isang testigo ang magpapatunay umano na sangkot si Ang sa pagkawala ng mga sabungero.

“Mayroon namang witness who testifies to the fact that that person was involved in the commission of these crimes as the mastermind, as the head of a criminal organization, so basically we take it from that,” ani Remulla.

Kinumpirma rin ni Remulla na kasama na sa reklamo ang sinumpaang mga salaysay nina Patidongan, at dalawa nitong kapatid.

Taong 2021 at 2022 nang mawala ang nasa 34 na sabungero, na ayon kay Patidongan ay dinukot at ipinapatay umano ni Ang dahil sa hinalang nandadaya sa sabong. Sinabi rin ni Patidongan na aabot sa 100 ang lahat ng sabungerong pinatay at itinapon umano ang mga bangkay sa Taal Lake.

Inilarawan ni Remulla si Ang na “main player” sa e-sabong industry.

“Siya ang main player diyan, siya ang amo ni Totoy or Dondon. Pera niya ang pinangbabayad para sa mga trabaho na ginagawa ng mga contractor na pulis. Kaya ang mahalaga talaga dito, malitis 'to, magkaroon talaga ng trial ito on the merits,” ayon sa kalihim.

“Kasi nga, kahit sa kasaysayan ng ibang bansa, kapag criminal organization, napakahirap po patunayan ang mga krimen na ginawa at ginanap. Lalong lalo na kapag pinag-uusapan natin ang number one sa organization,” dagdag niya.

Hindi naman kinumpirma ni Remulla kung respondent si Barretto sa reklamo, pero maaari umanong maikonsidera na “person of interest.”

Tiniyak din ni Remulla na magiging patas ang DOJ sa paghawak sa reklamo.

“Ang mahalaga due process, 'di ba? No person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law,” ani Remulla.

Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, susuriin nilang mabuti ang reklamo na inihain ng mga kaanak ng nawawalang mga sabungero.

“We cannot disclose any details as to who the case is being filed against because this is just filing for purposes of evaluation,” saad ni Fadullon.

Kaugnay nito, kinumpirma ni Remulla na ang kapatid ni Patidongan na si Elakim ang tinutukoy niyang bagong testigo sa kaso. Nasaksihan umano ni Elakim ang pagpatay sa 10 biktima.

“Siya ‘yun. Dalawa ‘yan. ‘Yung isang kapatid nandoon din. Although may conviction na ‘yung kapatid. Kaya nga nagtatago sa batas dati ‘yan. Si Elakim naman was given documents to travel by, by the principal. Ginamit sa pag-alis niya sa bansa,” pahayag ng kalihim.

Ikinatuwa naman ni Merlyn Gomez, ina ng isa sa nawawalang sabungero, ang naisampang reklamo. Aniya, pumayag na magpa-areglo ang kinakasama ng kaniyang anak na unang nagsampa ng kaso, kaya siya na lang ngayon ang naghahanap ng hustisya para sa biktima.

“Nagpapasalamat po ako sa Panginoon dahil may lumitaw po na— ‘yung mga katanungan ko sa aking isipan kung nasaan na ‘yung anak ko, kung ano na nangyari sa kanya ay nasagot na po sa pamamagitan ng whistleblower na si Patidongan,” ani Gomez. – mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News