Isang sitio na nasa kabundukan ng Rizal, Occidental Mindoro ang may itinatagong misteryo dahil sa nagliliyab nitong lupa. Bakit nga kaya? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakita ang video na kuha ng content creator na si Nelson na labis ang pagkamangha nang mapuntahan ang lugar na nagliliyab ang lupa sa Barangay Manoot.
Ayon kay Nelson, delikadong puntahan ang lugar na mag-isa, kaya nagsama siya ng kasama, bukod pa sa kanilang naging guide na si Edwin.
Masukal umano ang daan patungo sa nagliliyab na lupa at tumagal ng dalawang oras ang kanilang ginawang paglalakad.
Nang marating nila ang lugar na sobrang tuyo ang lupa at mga halaman sa palagid, indikasyon na iyon na malapit na sila sa mismong lugar na nagliliyab ang lupa.
At sa mismong lugar na may nagliliyab na lupa, kapansin-pansin umano na amoy na fuel o gas sa paligid.
Upang patunayan na totoo ang lumalabas na apoy na mula sa ilalim ng lupa, naglaga ng itlog sina Nelson na naluto ito pagkaraan ng ilang minuto.
Ayon sa guide na si Edwin, bata pa lang siya ay naabutan na niyang nagliliyab ang lupa sa naturang bahagi ng bundok.
Kaya labis na ipinagtataka ni Edwin kung bakit sa paglipas ng maraming taon ay patuloy na nagliliyab ang lupa.
At kahit takpan umano ang apoy na lumalabas sa lupa, maghahanap daw ito ng ibang lulusutan upang sumingaw at maglabas ng apoy.
Ayon naman sa punong barangay na si Emmanuel, ipinangalan sa apoy ang kinaroroonan ng lugar na nagliliyab ang lupa bilang Sitio Panlabay.
“Labay ibig sabihin sa tagalog apoy,” paliwanag niya.
Noong una, nangangamba umano ang mga residente sa lugar sa peligrong maaaring idulot ng pag-apoy ng lupa lalo na’t nasa kagubatan ito.
Pero kinalaunan, nasanay na sila rito at kanila nang pinapakinabangan partikular sa pagluluto.
Ang caretaker ng lupain na si Discoro, sinabing pinagbabawalan nila ang ilang dumadaan sa lugar kung minsan dahil sa pangamba na maghukay doon.
Si Emmanuel, walang tutol kung may pagsusuri na gagawin sa lugar upang malaman kung may deposito ng natural gas sa lugar, lalo na kung maaaari namang pakinabangan.
Ano nga ba ang mayroon sa ilalim ng lupa na dahilan para mag-apoy ito? Alamin sa video ng "KMJS" ang resulta ng ginawang pagsusuri ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources sa lugar. – FRJ GMA Integrated News
