Dalawang mananaya na parehong namamasukan ang hindi kaagad nalaman na mga milyonaryo na pala sila dahil hindi nila kaagad tiningnan kung tumama ang mga tiket na kanilang tinayaan sa lotto. Ang isa, inabot ng anim na buwan bago niya nadiskubre na tumama siya ng mahigit P57 milyong jackpot prize.
Sa isang pahayag kamakailan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sinabing tumaya ang isang private employee sa isang lotto outlet sa Quezon City para sa Mega Lotto 6/45 draw noong Enero 1, 2025.
Tatlong inaalagaang kombinasyon ng mga numero at isang Lucky Pick combination umano ang tinatayaan ng lotto winner. Ang tiket, inilagay umano nito sa bag kasama ng iba pang naipon niyang tinayaang mga tiket.
Pagkaraan lang ng anim na buwan nitong nakaraang July naisipan umano ng mananaya na tingnan via online kung tumama ang mga tinayaan niyang mga tiket. At laking-gulat niya nang makita na ang LP na tinayaan niya noong Enero 1 ang tumama sa lumabas na kombinasyon ng mga numero sa Mega Lotto 6/45 draw na 06-41-29-12-02-15.
Ang premyo na kaniyang tinamaan--P57,030,072.20.
Sa hiwalay na pahayag, inihayag naman ng PCSO na mahigit isang linggo naman ang lumipas bago nalaman ng isang empleyado ng kompanya na tumama pala ng jackpot prize sa MegaLotto 6/45 draw ang tinayaan niyang mga numero sa isang lotto outlet sa San Pedro, Laguna.
Inaalagaan umano ng lotto winner ang mga numero na regular niyang tinatayaan mula pa noong nasa kolehiyo ito.
Bagaman July 16 tinayaan ang mga numero, hindi umano kaagad tiningnan ng lotto winner ang kaniyang tiket kung nanalo. Nagawa pa niyang muling tumaya noong July 18, at tiningnan lang niya ang mga tinayaang tiket noong July 27, at doon na niya nalaman na milyonaryo na pala siya dahil sa tumama ang tinayaan niyang mga numero na 44-30-12-24-06-35 noong July 16.
Nagkakahalaga ng P21,538,656.00 ang premyo na kaniya namang tinamaan.
Ayon sa PCSO, nakumbra na ng lotto winners ang mga premyo na kanilang tinamaan.
Ang isa, gagamitin daw ang napanalunan para bayaran ang kanilang utang at para sa pagpapaaral sa mga anak na nasa kolehiyo na. Habang ang isa, ilalagay daw muna sa time deposit sa bangko. – FRJ GMA Integrated News

