Ibinahagi ng OPM singer at songwriter na si Maki ang naranasan niyang sexual harassment sa isang audition noong 15-anyos pa lamang siya.

Sa kaniyang guesting sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, ibinahagi ni Maki ang ilan sa mga pagsubok at rejection na hinarap niya noong nagsisimula pa lamang siya sa industry.

Ayon kay Maki, may isang insidente na nagbigay ng matinding hamon sa kaniya na iba sa mga naranasan niyang rejection.

"Dito po ako pinakana-challenge if I were to pursue this industry. Actually 'di po 'to alam masyado ng mga tao sa akin, I don't even know if my parents know this," sabi ni Maki.

Ayon kay Maki, nagtungo siya noon sa isang audition dahil gusto niyang sorpresahin ang kaniyang mga magulang.

"I was 15 and sobra po akong full of passion, full of dreams, and then I auditioned. I did everything, nag-acting, nag-singing, dancing, in front of one person kasi ni-lock niya 'yung pinto," sabi niya.

Habang nagkukuwento, natigilan si Maki na tila huminga nang malalim bago magpatuloy. Gayunman, hindi na siya nagbanggit ng ibang detalye tungkol sa tao.

“After the audition po, tinanong niya ako ng questions na, medyo hindi po siya pambata,” sabi niya.

“First time ko po kasing matanong ng mga ganu’ng bagay. Tapos sa industry na ito, siyempre hindi ko po siya alam kung paano sagutin,” pagpapatuloy ni Maki.

“Were you sexually harassed?” diretsang tanong ni Tito Boy.

“Hindi ko po alam kung tatawagin ko siyang gano’n,” tugon ng singer.

Paliwanag naman ng King of Talk, maraming anyo ang pang-aabuso.

Pag-amin n Maki, pakiramdam niya nalabag ang kaniyang pagkatao.

"Opo, yes po," tugon ng singer, na kinumiprmang tinanong siya ng mga tanong na may kinalaman sa sex.

Ayon kay Maki, hindi niya alam kung paano sasagutin ang mga tanong, at hindi na niya natatandaan kung ano ang kaniyang isinagot.

"Sabi po kasi niya is, 'kailangan alam namin 'tong mga bagay na 'to kasi dapat kilala ka namin as an artist,'" pag-alala niya.

“So ako po, naniwala po ako, so kung anu-ano pong sinabi ko na mga bagay na-expose — feeling ko po, first time ko po kasi mahiyain po akong bata eh."

“Hindi po physically po, pero I felt na I was really, really exposed,” pagpapatuloy niya.

Noong mga sandaling iyon, sinabi ni Maki sa kausap niyang tao na kailangan niyang pumunta sa comfort room para makalabas siya ng kuwarto.

"Di na po 'ko bumalik, tapos nag-jeep po ako pauwi, tapos umiiyak po ako sa jeep. Du’n ko lang po na-realize na hindi ko po alam kung ano 'yung ginawa sa akin pero na-realize ko po that time, I was thinking about my dream. 'Yun lang po nasa isip ko, pumunta po ako ng kuwarto na 'yun for my dream," sabi niya.

Sinabi ni Maki na naiiyak siya nang makauwi hindi dahil sa ginawa sa kaniya ng kausap niyang tao, kundi dahil naisip niyang tila masyadong malupit ang industriya para sa kaniya na maituloy ang kaniyang pangarap.

"Maybe I'm not ready yet for this dream, so if my dream is too big, baka di ako big enough to achieve it," saad niya.

Nilinaw naman niya kay Tito Boy na hindi naman siya pisikal na inabuso ng tao.

“Hindi po, hindi ko rin po hahayaan,” sabi niya.

Kilala si Maki sa mga kantang "Dilaw," "Saan?" "Kailan?" "Bughaw," "Kahel na Langit," at iba pa.

Nakatakda rin niyang ilabas ang kaniyang album na "Kolorcoaster" sa Setyembre 19. -- FRJ GMA Integrated News