Patay na at walang saplot sa katawan nang matagpuan sa dalampasigan ng Dagupan City, Pangasinan ang babaeng pitong-taong-gulang. Una rito, iniulat ng pamilya na nawawala ang biktima matapos umanong tangayin at isakay sa SUV ng suspek na tumigil sa tapat ng kanilang bahay sa Asingan nitong Huwebes.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nakita ng mag-asawang nangingisda sa tabi ng dagat sa Barangay Bonuan Gueset sa Dagupan, ang bangkay ng biktima dakong 5:00 am.
Inakala pa raw noong una na manika ang biktima dahil nakabalot sa garbage bag ang itaas na bahagi ng katawan ng bata.
“Naghihila po ako ng daklis, Ma’am. Tapos nung pagkahila ko po, mga apat na hakbang ko po, pagtingin ko po ng ganun, paa. Hilahin mo na, sabi ko, may patay na bata dito,” kuwento ni Erlina Dacierdo.
Kaagad na ipinaalam ng mag-asawa sa mga awtoridad ang nakitang bangkay.
Sa pag-iimbestiga ng awtoridad, sinabi Police Lieutenant Colonel Lawrence Keith Calub, OIC ng Dagupan City Police station, na nalaman na may batang babae na nawawala sa bayan ng Asingan nitong Huwebes kaya natukoy ang pagkakakilanlan ng biktima.
Positibo umanong kinilala ng biktima ang bangkay ng bata.
Ayon kay Calub, sa inisyal na pagsusuri sa bangkay ng bata, may nakitang sugat sa leeg nito.
“Nag-conduct po ng initial examination yung SOCO (Scene of the Crime Operatives), ‘yung medico-legal officer natin, nakita po na may tatlong gilit sa leeg ng bata. Then nalaman namin na itong bata ay ito ‘yung nawawalang bata sa Asingan kagabi,” sabi ni Calub.
Batay sa testimonya ng mga saksi, sinabi ni Calub na isang Toyota Fortuner ang tumigil sa tapat ng bahay ng biktima at kinuha ang bata.
Posible umanong kakilala ng bata ang kumuha sa kaniya.
"Sumama po [yung biktima sa suspek], kinarga [ng suspek] ‘yung bata [at isinakay]. So most probably, relative niya,” dagdag ng opisyal.
Sinubukan ng GMA Regional TV One North Central Luzon na makuhanan ng pahayag ang ina ng bata pero hindi na siyang nagpaunlak ng panayam, ayon sa ulat.
Pero sa isang social media post ng kaanak, nakiusap sila sa netizens na huwag i-post ang mga larawan o video ng biktima, lalo na nang makita ang kaniyang bagkay sa dalampasigan.
“This is out of respect fo the grieving family, especially her mother, and to honor the dignity of our angel,” saad sa post.
Samantala, kinondena naman ng mga lokal na opisyal sa Asingan at Dagupan ang karumal-dumal na krimen. Kasabay ng pakikiramay, hangad nilang mabigyan ng katarungan ang sinapit ng biktima.
Sa pahayag ng Pangasinan Provincial Police Office, nangako ang pamunuan nito na hahanapin at pananagutin sa batas ang salarin.
“We will not rest until justice is served. The Pangasinan PNP will not tolerate such a heinous act, especially against an innocent child,” pangako ni Police Colonel Arbel Marcullo, OIC, Pangasinan PPO. “To the perpetrator – wherever you are hiding, we will find you. You cannot escape the long arm of the law, and you will face the maximum penalty that justice demands.” – FRJ GMA Integrated News

